Mga Pinoy Muslim sa ‘Pinas, nagsisisi na kaya sa pagboto kay P-BBM?!
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | October 30, 2023
P-BBM DEDMA NA SA PANAWAGAN NG MGA PINOY MUSLIM NA SIBAKIN SI TEDDY LOCSIN, NAG-ABSTAIN PA SA BOTOHAN SA UN PARA SA TIGIL-PUTUKAN NG ISRAEL AT HAMAS PALESTINE ISLAMIC GROUP -- Nanawagan ang mga Pinoy Muslim brothers and sisters kay Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) na sibakin sa puwesto si Philippine Ambassador to the United Kingdom (UK) Teddy Locsin kaugnay sa hindi makataong post nito sa social media na, “Palestinian children should be killed,” pero dinedma lang ng Presidente ang kanilang panawagan. At ang masaklap, sa paliwanag naman ni Ambassador Antonio Lagdameo, representante ng Pilipinas sa United Nations (UN), na kaya raw nag-abstain ang Pilipinas sa botohan sa UN patungkol sa ceasefire sa nagaganap na giyera sa pagitan ng Israel at Hamas Palestine Islamic Group ay dahil may “K” daw ang Israel na ipagtanggol ang kanilang bansa laban sa Hamas Palestine Islamic Group, na parang ibig sabihin ay gusto ng Philippine gov’t. na pulbusin ang Gaza kahit pa may madamay na mga bata, kababaihan at matatandang Palestinian.
Dahil sa pagpapakita na tila walang malasakit sa mga batang Muslim sa Palestine ang Marcos administration, ay hindi man aminin, tiyak na nagsisisi ang mga Muslim sa buong bansa sa pagboto kay P-BBM sa nakalipas na 2022 presidential elections, boom!
◘◘◘
SA MGA WINNER SA BSKE CONGRATS, AT SA MGA NATALO, BETTER LUCK NEXT TIME -- Ngayong araw ay botohan na sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), at mamayang gabi ay malalaman na kung sino ang mga nanalo at natalo.
Dahil d’yan, ngayon pa lang congrats sa mga winner at uupo sa barangay, at sa mga natalo naman better luck next time, period!
◘◘◘
SINO ANG NAGSASABI NG TOTOO, SI CONG. GARIN O ANG OMBUDSMAN? -- Sabi ni former Health Secretary at ngayo’y Iloilo 1st District Rep. Janette Garin ay malinis daw ang kanyang konsensya at wala raw silang ginawang ilegal sa pagbili noon ng mga Dengvaxia vaccines, pero ayon sa Ombudsman ay may ebidensya sila laban sa grupo ni Garin noon sa Dept. of Health (DOH) kung kaya’t kinasuhan nila ang mga ito ng criminal and graft charges sa Sandiganbayan.
Sino kaya ang nagsasabi ng totoo at kasinungalingan, si Garin o ang Ombudsman? Boom!
◘◘◘
SOBRANG BAD ANG POGO KAYA DAPAT IPA-STOP NA ANG OPERASYON NITO AT I-DEPORT PABALIK SA CHINA ANG MGA CHINESE POGO OPERATORS -- Sinalakay ng mga awtoridad ang isang Chinese Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Pasay City, at dito ay natuklasan na hindi lang pala pasugalan ang inu-operate nito, kundi ginagawa pa pala itong sex den at may raket din na pang-i-scam.
Sobrang bad talaga ang POGO sa ‘Pinas, kaya’t sana, ipa-stop na ni P-BBM ang operasyon nito sa bansa at i-deport pabalik sa China ang mga Chinese POGO operators, period!





Comments