top of page

Mga Pinoy, mas tumitingin sa pag-uugali kaya nanalo si BBM

  • BULGAR
  • May 11, 2022
  • 2 min read

ni Ka Ambo - @Bistado | May 11, 2022


MALINAW na malinaw, hindi kuwalipikasyong pang-akademiya ang No.1 sa mga nagwawagi sa eleksyon.


Opo, emosyon po.


◘◘◘


YINURAKAN, biniktima ng black propaganda, kinutya at dinuduro si ex-Sen. Bongbong Marcos kaya’t siya ay biktima ng mga nag-aakalang sila ay kuwalipikado — pero may masama namang behavior.


Iyan mismo ang nagpanalo kay BBM, biktima ng pangungutya.


◘◘◘


ANG pangungutya sa isang tao ay senyales ng hindi mabuting pag-uugali.


Sa kabila ng pangungutya, nanatiling tahimik ang mga biktima tulad ng Top 1 sa senatorial race na si Robin Padilla.


◘◘◘


ANG black propaganda, kapag hindi nahawakan o naimaneho nang maayos ay nagbu-boomerang sa mastermind.


‘Yan ang naranasan ng mga katunggali ng BBM-Sara tandem.


◘◘◘


NALIMUTAN ng mga ito na milyun-milyong Pinoy ang inaapi dahil walang diploma sa kolehiyo.

Milyun-milyong taga-squatter area ang inaakusahang magnanakaw kahit wala namang inuumit sa kapitbahay.


Pero ang mga inaaping ito ay umaabot sa 30 milyon at siyang sumoporta kay Marcos na naging “bayani” sa laylayan.


◘◘◘


ANG nagpapakilalang nasa “laylayan” naman ay nahubaran ng pagkatao at lumantad ang pagiging ipokrito, matapobre at mapanglait.


May natutuhan tayo sa katatapos na eleksyon: Ang behavior ay siyang higit na batayan ng mga botante, kaysa sa naabot sa akademya.


◘◘◘


KAILANGAN maging maingat si BBM sa paghugot ng mga tao na makakasama niya sa gobyerno.


Kailangang kopyahin ni BBM ang estilo ng kanyang ama, humuhugot ng mga pinakamahuhusay na tao mula sa kanya-kanyang larangan.



◘◘◘


HINDI iniwanan ni Labor Secretary at dating Senate President Blas Ople si Marcos sa tindi ng kaliwa’t kanang batikos.


Hindi nakapagtapos ng kolehiyo si Ople, pero siya ay naging “stateman” higit sa kapwa niya senador.


◘◘◘


Si Ople ay isang mahusay na orador, mamamahayag, at kampeon ng masa.

Bihasa siya sa foreign relations at adviser ni Marcos kung kaya’t naitindig ang relasyon ng Pilipinas sa China at Russia.


Ang pakikipagkaibigan ni Marcos sa Beijing at Moscow ay ikinagalit ng US na siyang utak ng EDSA Revolution.


Ang US ang tunay na nagpabagsak kay Marcos gamit ang mga Dilawan at oportunistang pulitiko.


◘◘◘


SA pagbabalik ng Marcos sa Malacañang, hindi sinasadya, tangay-tangay ni BBM ang demokratikong rebolusyon na hinubog at tinangkang ipinatupad ni Marcos.


Kung may EDSA Dos, ngayon ay may ikalawang bersiyon ng Democratic Revolution from the Center — ang ideolohiyang dapat itindig ng Marcos-Duterte tandem.


Sa ayaw o sa gusto ng 100 milyong Pinoy, yumayapak na tayo sa katuparan ng pangarap ng matandang Marcos — ito ay Bagumbagong Lipunan sa modernong panahon!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page