Mga pasaway sa gitna ng pandemya, naglabasan na naman!

@Editorial | December 9, 2020
Sa patuloy na paglaban sa COVID-19 pandemic na sinabayan ng unti-unting pagluwag sa community quarantine, aba’y hindi rin nagpa-iwan ang mga pasaway.
Marami na naman ang mga lumalabag sa mga ipinatutupad na health protocols.
Sa Boracay, anim katao ang inaresto ng mga awtoridad dahil lima umano sa kanila ay peke ang isinumiteng RT-PCR COVID-19 test result.
Napag-alamang galing sa Metro Manila ang anim na turista na hindi tinukoy ang mga pangalan. Isa sa mga pangunahing rekisitos sa mga turistang pumapasok sa Boracay ang pagsusumite ng RT-PCR test para mapatunayang negatibo sila sa COVID-19.
Hanggang sa makatangap sila ng impormasyon na lima sa anim na RT-PCR test ay peke kaya agad silang inaresto at dinala sa quarantine facility habang nagsasagawa ng imbestigasyon.
Kaugnay nito, posible umano silang maharap sa kaso sa paglabag sa mga panuntunan kaugnay ng pag-iingat laban sa COVID-19.
Ito ang mahirap ‘pag sinabi ng gobyerno na puwede nang lumabas o mamasyal, tiyak na kani-kanyang gala at dedma na sa banta ng virus.
Kapag sinabing gawin ito, sundin ‘yan, huwag nang pasaway. Hindi lang naman ‘to para masabing sinusunod ang batas kundi, para ito sa kaligtasan ng lahat.
Hindi pa man dumarating bakuna laban sa COVID-19, eh, kaliwa’t kanan na naman ang mga pagpapabaya. Sa halip na mapigilan ang pagkalat ng virus ay baka lalo pang lumala.
Mag-isip-isip din at nang hindi makapadagdag sa problema ng bayan.



Comments