Mga pasaway na tserman, tuluyan na!

@Editorial | November 7, 2020
Nasa 89 kapitan ng barangay ang mahaharap sa suspensiyon dahil sa umano’y maanomalyang pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP) ng gobyerno.
Ang Office of the Ombudsman umano ang maglalabas ng preventive suspension orders laban sa mga baranagay chairmen dahil sa umano’y malversation, corruption, estafa at graft.
Nakapanlulumo na sa kabila ng dinaranas ng bansa at ng buong mundo, sadyang hindi pa rin nawawala ang mga pasaway. Ang matindi, ‘yung inaasahan natin mas makatutulong ay sila pa ang dagdag sa problema.
Matatandaang, binalot ng kontrobersiya at anomalya ang pamimigay ng SAP. Sa unang bugso palang ay lumabas na ang bulok na sistema. Hindi pa rin nawala ang palakasan — kamag-anak ni kap, bata ni kagawad, tropa ni ganito, ni ganyan, kani-kanyang kapit para hindi malaglag sa listahan. Ang resulta, silang mga karapat-dapat na makatanggap ng ayuda, eh, sila ang nganga.
Isa pa sa nabulgar na katiwalian ay ang paghahati-hati sa pondo para daw mas marami ang makinabang. Naroon na tayo sa kagustuhang makatulong sa iba pero, may mga panuntunan tayong dapat sundin.
Ngayon, itong 89 na barangay kapitan na sinuspindi, kung sapat ang ebidensiya na lumabag sa batas at nasangkot sa iregularidad o nagpakasasa sa SAP, siguro naman ay tutuluyan na silang kasuhan at talagang mapapanagot.
Ang hirap sa atin, madalas ang mali ay tinatama kuno pero, ‘pag hindi na mainit ang isyu, parang basta na lang nakakalimutan ang mga nangyari. ‘Yung mga nasangkot sa korupsiyon, sila-sila pa rin ang mga nasa posisyon.
Panahon na para ipatupad nang istrikto ang batas, hindi para sa mga nabiktima kundi para sa kapakinabangan mismo ng bayan.
Kung talagang ayaw sa korupsiyon, tuluyan ang mga korup!



Comments