top of page

Mga paraan para mapraktis ang talent

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 20, 2021
  • 4 min read

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | January 20, 2021




Kinikilala ang mga Pilipino pagdating sa bigating talento, ilang ulit na bang naging kampeon sa Asia’s Got Talent tulad ng El Gamma Penumbra bilang shadow dancers at lumikha ng mga aninong may tema ng pagmamahal sa kalikasan. Si Marcelito Pomoy na kaya ring mag-boses babae at hinangaan sa America's Got Talent. Tulad nila, paano nga ba maabot ng iba pang nangangarap na artists ang kinalalagyan nila ngayon dahil sa husay ng kanilang talento? Sa mga tiktok challenge lumalabas din ang grassroots talent na kahit mga taga-liblib na probinsiya ay kayang magsalita ng iba't ibang wika ng bansa.


Kung minsan napakahirap kilalanin ang sarili. Hindi natin nakikita ang mga bagay na ‘the best’ ka pala. Ang hirap hanapin ang pinakamatingkad na talento na hindi mo aakalaing dapat palang linangin para mapahusay.


Madalas kasi nating balewalain ang mga bagay na kapaki-pakinabang, pero iyon na pala ang talent na magpapatingkad sa pagkatao mo at galing.


1. LINANGIN ANG SARILI SA BAGONG TUKLAS NA MGA BAGAY. Kung noon na wala pang pandemic, natutulog ka sa pansitan araw-araw at tuwing weekend ay panay parties, inuman at barkada ang aatupagin, tiyak na wala kang madidiskubreng mga bagay sa sarili. Pero ngayong napipirmi ka sa bahay, tiyak na may oras ka na sa mga bagay na alam mong pakikinabangan mo balang-araw.


2. ISIPIN KUNG PAANO GAGAMITIN ANG ORAS. Isa-isahin ang magagandang prayoridad at bagong kapaki-pakinabang na bagay. Habang dinidiskubre ang mga mahahalagang bagay na angkop para humusay ay dapat bigyang oras ang sarili. Hindi dapat ubusin ang oras sa panonood lang ng TV o pelikula, dahil hindi mo ganap na mauunawaan kung sino at ano ka. Magkaroon ng tahimik na oras na ikaw lang at gagawa ng mga bagong aktibidad.


3. PATATAGIN ANG BAGONG SKILLS O KAKAYAHAN. Kung may bagong skills, tiyak na iyan na ang daan para matuklasan ang tunay na talent pero kailangan ng panahon na mahubog at sikaping maranasan ang lahat ng iba’t ibang aktibidad na may kaugnayan sa skills.


Halimbawa, mahusay ka sa interior design. Umpisahan sa pagdidisenyo ng sariling kuwarto at pagandahin ito. Sikaping hubugin ang skill sa full talent. Go, at mag-aral ng interior design, tuklasin sa computer ang mga interior design at lumikha ng kahanga-hangang website o youtube na kagigiliwan ng mga tao. Kapag napahusay na ang skills at lumalawak pa, iyan na ngayon ang tinatawag na talent.

4. SUBUKAN ANG MGA BAGAY NA HINDI PA NAGAWA DATI. Kung minsan sinasabi natin na hindi natin magawa ang isang bagay. Para tayong walang tiwala sa sarili, hindi sapat at walang talino. Iisipin pa kung minsan na hindi ka katulad ng iba. Pero ang totoo, kapareho mo siya, kailangan mo lang bigyan ng tsansa ang sarili na masorpresa. Bakit hindi subukan ang bagay na kakaiba na una ang nasubukan noon at ngayon mo na ituloy.

Halimbawa, subukan ang rock climbing o kaya ay scuba diving. Magsulat ng aklat hinggil dito, gumawa ng video at i-upload sa social media. Magsimula ng isang negosyo. Ang mga bagay na ito ay bakit nagagawa ng marami, binigyang halaga kasi nila ang sarili.


Isang magandang ideya na subukin at pahalagahan ang mga bagay na kabisado mo at malilinang pa. Halimbawa, natutuwa kang makasama ang mga bata. Mas masaya ka kapag kasama sila, ibig sabihin ay nahahasa mo na ang pagiging likas na pakikipag-kapwa. Puwede rin na ang pagmamahal sa hayop ay kapareho ring talento na mahahasa mo at subukan mo silang turuan habang mga tuta pa.


5. KUMUHA NG KLASE SA ISANG SUBJECT NA NAKAIINTERES. Kung may isang bagay na nakaiinteres sa iyo at gustong mahasa para maging talento, mag-enroll sa klase na ito. Kapag marami ka nang alam at karanasan makatutulong ito para makakuha ng basic skills para ma-develop ang talent mula sa gustong gawin.


6.MAG-TRAVEL PARA LUMAWAK ANG KARANASAN. Ang pagbibiyahe ay isa sa makatutulong na karanasan. Pero ngayong pandemic, pumunta lang sa lugar na maluwag pang makapasok at walang strict lockdown. Ito ang susubok at magtuturo sa iyo para tuklasin ang sarili. Go! at lumarga sa mga lugar na gustong puntahan sa mga pook na hindi pa napuntahan. Ilarawan ang sarili sa naging karanasan sa biyahe, sumubok din ng bagong bagay mula roon na nagpa-challenge sa’yo pero sulit at masaya. Magastos lang ang biyahe pero depende kung saan at kung ano ang magagawa.

7.HARAPIN ANG CHALLENGES. Kapag kailangang maharap sa pagsubok iyan ang magpapahusay sa’yo para harapin ang mga problema.


Halimbawa, may sakit ang lola, kailangan niya ang tulong. Sikaping makatulong sa iba at malalaman mong mahusay ka palang makipagkapwa at tumulong sa matatanda.


8. MAGBOLUNTARYO. Kapag nakatutulong sa iba na walang anumang kapalit, magbabago ang prayoridad. Tulad ng paglilinis ng kapaligiran, pag-organisa ng virtual sports event o kaya ay sa laughing exercise event para makapagmotiba ng tao.


9. PAKATANDAAN HIGIT SA LAHAT, huwag mo isipin kung ano ang sasabihin ng ibang tao. Magkaroon ng tiwala sa sarili at ipakita ang talent. Ikaw ay ikaw at iyon ang kailangan. Kung nais ng talent, isiping iba ka sa mga professionals at may sarili kang talento.


Makipag-usap sa mga kaibigan at tanungin sila kung ano ang gusto nila sa’yo. Tumulong din na tuklasin ang talent ng kaibigan. Tiyak na madidiskubre ang sariling talent. At pakatandaan na anuman ang gagawin, sikaping huwag makasasakit sa iba.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page