Mga pampasuwerte ng taong may weak number
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Numero | Pebrero 23, 2023
Dear Maestro,
Matagal na akong may trabaho at sa katunayan, masikap at masipag naman ako. Kaya lang, dahil hindi regular ay nagpapalipat-lipat ako ng pabrika, kaya hanggang ngayon ay wala pa rin akong stable na trabaho, gayundin, ang boyfriend.
Naisipan kong sumangguni sa inyo upang malaman kung ano ba ang dapat kong gawin para suwertehin naman ako. Una, sa love life, ano ang gagawin ko para magkaroon ng boyfriend?
Pangalawa, sa career, paano ako magkakaroon ng stable job? Pangatlo, pangarap ko ring magkaroon ng masaya at panghabambuhay na pamilya, kailan ito mangyayari? May 2, 1996 ang birthday ko.
Umaasa,
Carla ng Santa Cruz, Guiguinto, Bulacan
Dear Carla,
Una, para suwertehin ang mga taong may weak number tulad mo na may birth date na 2, tulad ng madalas nating sinasabi, dapat palagi kang makisama sa mga taong may strong number. Ang nasabing mga nilalang ang magpapalakas ng iyong loob at magbibigay ng hindi mo inaasahang mga suwerte.
Ang mga taong may strong number ay silang mga isinilang sa petsang 1, 10, 19, 28, 9, 18, 27, 8, 17 at 26, gayundin silang may weak number na 7, 16, 25, higit lalo silang mga isinilang sa buwan ng Disyembre, gayundin silang may mga zodiac sign na Virgo, Capricorn, Libra, at kapwa mo Taurus.
Pangalawa, dahil bukod sa birth date na 2, ikaw din ay nagtataglay ng destiny number na 5 (5+2+1996=2003/ 20+03=23/ 2+3=5) na pinaghaharian ng planetang Mercury.
Bilis ang kailangan mo upang magtagumpay at suwertehin ka sa iyong buhay. Nararapat na wala kang pagdadalawang-isip, dahil kapag nag-alinlangan ka sa iyong ginagawa at kakayahan, malabo mong masungkit ang suwerte at magandang kapalaran.
Kaya kapag mabilis mong ginawa ang lahat ng bagay, sinusuwerte at kusang gumaganda ang kapalaran ng mga taong naiimpluwensyahan ng planetang Mercury, tulad mo na may destiny number na 5.
Bukod sa kailangang mabilis ang isip at kilos, mapalad din kayo sa mga alahas na silver at mientras antique o luma at iyong mataas ang carat o kalidad, ito ay lalong magiging masuwerte kung ang nasabing alahas ay papalamutian ng batong emerald na siyang suwerte sa tulad mong may destiny number na 5.
Bukod sa silver at batong emerald, mapalad ka rin sa kulay na pula, berde, gray at silver, habang ang buwenas mo naman araw ay Lunes, Miyerkules, Biyernes, higit lalo sa mga petsang 5, 14, 23, 2, 11, 20, 29, 7, 16, 25, 4, 13, 22, 31, 1, 10, 19 at 28.
Gayundin, bukod sa silver na alahas at batong emerald, mapalad at susuwertehin ka rin sa mga pandispley na gumagalaw. Halibawa, pendulum, ‘yung walang tigil sa pagkilos at paggalaw sa sandaling hipan ng hangin.
Bukod sa mga kumikilos at gumagalaw, suwerte ka rin sa mga pandispley na metal, bagay na umaandar, lumilipad, gumugulong at may mga gulong.
Sa makatuwid, lahat ng uri ng sasakyang pandispley, mapalad ka rin du’n sa tuwing ito ay iyong makikita at mapagmamasdan.
The best na panahon mo naman ay mula sa ika-20 ng Disyembre hanggang ika-25 ng Enero, mula sa ika-20 ng Abril hanggang ika-25 ng Mayo at mula sa ika-20 ng Setyembre hanggang ika-30 ng Nobyembre.
Ka-compatible naman ng zodiac sign mong Taurus ang isang Scorpio, Vigo, Capricorn, Libra, at kapwa mo Taurus, higit lalo silang may mga birth date na 5, 14, 23, 6, 15, 24, 7, 16, 25, 8, 17, 26, 9, 18, at 27.
Sa sandaling nasunod mo ang mga simpleng rekomendasyon na inilahad sa itaas, ngayong 2023 at sa edad mong 27 pataas, magsisimula ka nang suwertehin, magkakaroon ng regular na trabaho, magkaka-boyfriend, hanggang sa tuluyang makapag-asawa at magkaroon ng masagana, maligaya at panghabambuhay na pamilya.




Comments