top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Mga pamilyang walang makain, unahin

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 26, 2023
2 min read

Updated: Oct 6, 2023

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | September 26, 2023


Nakakalungkot na mayroong 745 milyon pang katao ang nadagdag sa bilang ng mga nagugutom sa buong mundo sa kasalukuyan kumpara noong 2015, ayon sa United Nations (UN).


Naalarma ang mga lider ng iba’t ibang bansa sa mabagal na pag-usad ng pandaigdigang mithiin na wakasan ang kagutuman at ibsan ang kahirapan sa ilalim ng tinatawag na Sustainable Development Goals (SDG).


Ayon sa UN SDG 2023 Report, ang epekto ng krisis sa klima, ang digmaan sa Ukraine, ang mahinang pandaigdigang ekonomiya at ang nagtatagal na epekto ng COVID-19 pandemic ay nagsilbing balakid sa pagkamit ng nasabing mithiin.


Ang pinakamahihirap at pinaka-vulnerable sa buong mundo ang nakararanas ng pinakamalalang epekto ng pandaigdigang mga hamon, pahayag pa nito.


Kailangan ng pagtutok ng mga bansa sa mga aspetong nananawagan ng agarang aksyon para umusad ang unti-unting pagpapabuti ng buhay ng mga mamamayan sa pagharap sa 2030, pagdidiin ng ulat.


Sa ating bansa, mas marami pang pamilyang Pinoy ang nakaranas ng gutom o walang makain nitong ikalawang kwarter o second quarter ng taon, ayon sa pinakahuling ulat ng Social Weather Station.


May 10.4 porsyento ng mga pamilyang Pinoy ang nagtitiis ng gutom at pagkalam ng mga sikmura noong Abril hanggang Hunyo ng taon. Mas mataas ito kaysa 9.8 porsyento noong unang kwarter na iniulat noong Marso.


Kaya naman mabigat ang responsibilidad at pasanin ni Secretary Rex Gatchalian ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para maitawid ang mga pinakanagugutom na mahihirap nating kababayan.


Maraming naniniwala sa kakayanan ng kalihim bilang dating mayor ng Valenzuela at beteranong lingkod-bayan. Sa ating pakikipag-usap at pagtatanong kay Sec. Gatchalian kamakailan, nabanggit niya ang pagsusumikap ng departamento na pagbutihin, gawing mas makabuluhan at simple ang mga programa nito para sa mga mahihirap.


Umaasa tayo na ang inilunsad niyang Food Stamp Assistance program ng DSWD ay kagyat at mabisang makakatulong sa mga tinatawag na “food-poor” at kalaunan ay mas marami pang maabot na pinakanagugutom sa bansa.


Aabangan natin ang ulat ng DSWD matapos ang “pilot run” ng nasabing bagong programa, na tatagal muna ng anim na buwan, mula Hulyo hanggang Disyembre sa mga napiling mga komunidad at saka palalawakin hanggang maabot ang isang milyong gutom na pamilya na may kinikita lamang na walong libong piso kada buwan.


Malalaman natin kung lalalim ang pag-asa ng mas maraming pamilyang Pinoy na hindi na sila muling malilipasan ng gutom at kakalam ang mga sikmura sa gitna ng patung-patong na hamon ng panahon.


Kung totoong gugustuhin, kayang asintaduhin ng gobyerno ang mga tahanang hindi na nakakakain sa gitna ng mataas na presyo ng bilihin para sila naman ay makaraos.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.






1 Comment


joseoliveros1947
Sep 26, 2023

Kung maglulunsad ng food stamp assistance project si DSWD Secretary Gatchalian, dapat tiyaking ang mga food stamps ay makakarating at matatanggap ng mga pamilyang tunay na nangangailangan. Maging leksiyon sana ang nangyari sa mga dating katulad na programa na ipinadaan at ipinamahala sa mga politiko ang pamamahagi ng tulong pinansiyal kung saan, mga taong malalapit at pinapaboran lamang ng mga politiko ang nakinabang. Yung mga walang kilalang politiko o kontra partido ay napabayaan.

Like

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page