top of page
Search
BULGAR

Mga pamilyang nasa evacuation center, suplyan ng malinis at inuming tubig

ni Ryan Sison @Boses | July 28, 2024


Boses by Ryan Sison

Dahil sa marami pa rin ang nananatili sa mga evacuation center matapos ang pananalasa ng Bagyong Carina at Habagat, suliranin na ngayon ang pagkakaroon ng tuluy-tuloy na mapagkukunan ng malinis at maiinom na tubig ng mga pamilyang naroroon.  


Kaya naman ang mga water concessionaires na Manila Water at Maynilad ay naghahatid na ng mga water tanker sa ilang evacuation center sa iba’t ibang lugar. 


Ayon kay Manila Water Corporate Communications head Dittie Galang, kaunting comfort o pagsisikap lang na kanilang maibibigay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng malinis na tubig na maiinom, ang kanilang pinagtutuunan ng pansin at tinututukan sa mga panahon ng sakuna o kalamidad.


Batay sa ulat, mayroong higit 1,500 evacuees sa Malanday Bay Elementary School sa Marikina City, kaya hindi talaga sasapat ang supply ng tubig para sa lahat. 


Ilang residente na rin sa naturang lugar ang nahihirapan at nagsasabing kinakapos at kung minsan ay wala silang magamit na malinis at maiinom na tubig, habang naghihintay na lamang sila na may dumating na truck ng tubig sa evacuation center. 


Samantala, naghatid na rin ang Maynilad ng water tanker sa Baseco Evacuation Center sa Maynila para may magamit na malinis na tubig ang mga nananatili roong pamilya.


Sinabi ni Maynilad Corporate Affairs and Communication SAVP at head Marie Antonette de Ocampo na nabatid nilang ang mga evacuation center sa Baseco ay walang gaanong tubig na nanggagaling sa kanilang mga gripo, kaya kahit sa mga banyo ay hindi masyadong naaabot ng tubig.


Nangako naman ang dalawang water companies na patuloy silang magbibigay ng malinis at maiinom na tubig sa mga evacuation center.


Mainam ang ginagawang ito ng dalawang water concessionaires na nakakatulong nang husto sa mga kababayan at pamilyang nasa evacuation center pa.


Napakahalaga naman talaga ng tubig para sa atin kaya kahit na madalang ang pagdating ng mga pagkain o relief goods sa kanila ay matitiis pa nila, basta mayroon lang sapat na suplay ng malinis at maiinom na tubig ay makakaraos na at hindi na alintana ang hirap na nararanasan.


Hiling natin sa kinauukulan na sana bukod sa paghahatid ng mga pagkain at iba pa sa ating mga kababayan na nananatili sa mga evacuation center, dapat ay agad na mag-provide ng malinis at mas maraming tubig na maiinom dahil higit na kailangan nila ito kaysa ano pa mang bagay. 


Gayundin, alalahanin sana na walang ibang inaasahan ang mga mamamayan lalo na sa panahon ng kalamidad, kundi ang tulong, suporta at pagmamalasakit ng pamahalaan.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page