top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Mga ospital at health workers, dapat handa sa bagong surge

BULGAR
May 16, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | May 16, 2022


Posibleng magtala ng mas mataas na bilang ng intensive care unit (ICU) admission sa mga ospital sa Metro Manila.


Ito ang sinabi ng Department of Health (DOH), kung saan maaari umanong magtala ng 1,124 hanggang 1,954 ICU patients sa rehiyon sa Hulyo 31, kung magkakaroon ng malawakang hawahan ng bagong COVID-19 variant at kung aabot sa 500,000 dose kada buwan ang booster shot rate. Habang ang hospital admission ay posible naman umanong umabot sa pagitan ng 5,512 hanggang 9,871 sa Hulyo 27.


Matatandaang noong may surge dahil sa Delta variant noong nakaraang taon, umabot sa 1,272 ang ICU admission.


Paliwanag ng DOH, ang punto ng projection ay ipaalala ang kahalagahan ng minimum public health standards at pagpapabilis ng pagbabakuna, hindi lamang ng booster doses kundi maging ang primary series.


Binigyang-diin ng kagawaran na kinakailangan ang mga ito upang mapigilan ang hawahan at mabawasan ang posibilidad na magkaroon ng bagong variants of concern.


Sa totoo lang, wala namang may gusto na magkaroon ng malawakang hawahan ng anumang variant. Isa pa, ayaw nating maging nega, pero kailangang maging praktikal at mapaghandaan ang mga susunod na mangyayari, lalo pa’t kamakailan lamang ay nakapagtala ng 14 kaso ng Omicron subvariant sa bansa.


Kaya ang tanong sa mga pagamutan, handa ba ang ating mga pasilidad at health workers? Hangad nating hindi maulit ang mga nakaraang insidente na ‘di na makapagpahinga ang mga frontliners dahil sa dami ng pasyente.


Para naman sa publiko, nakita natin ang kahalagahan ng pag-iingat at pagtalima sa mga kautusan ng mga kinauukulan — nabawasan ang hawahan at mas malaya na tayong nakakagalaw o nakakalabas.


Pero sana, ‘wag nating abusuhin ang mga ito dahil isang pagkakamali lang, posible tayong bumalik sa dati. Bagay na ayaw nating mangyari, gayung marami sa atin ang unti-unting bumabawi sa kayod.


Lahat tayo ay may dapat gawin para sa iisang layunin. Sana’y gampanan ng bawat isa ang tungkulin dahil para rin naman ito sa ikabubuti ng lahat.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page