top of page
Search
  • BULGAR

Mga negosyante, bantay-sarado kontra COVID-19

@Editorial | January 18, 2021



Batay sa pag-aaral, 80 porsiyento umano ng mga establisimyento sa bansa ang hindi sumusunod sa minimum health protocol laban sa COVID-19 pandemic.


Hindi lang sa mga pribado, kundi maging sa mga pampublikong tanggapan ay mapapansin umano na marami na ang nakakalimot sa kung ano ang kasalukuyang sitwasyon.


Marami umanong lumalabag sa occupational health at safety standards, partikular sa urban areas. Kasama sa violations ang physical distancing, kawalan ng contact tracing facilities, kakulangan ng kagamitan sa pag-disinfect ng mga pumapasok na tao at regular na paglilinis sa lugar na pinagtatrabahuhan.


Ganundin ang paglabag sa age protocol, kung saan may mga bata at mas matatanda na ang nakakalusot sa mga establisimyento.


Nauunawaan naman natin na kailangang makabawi ng mga negosyo kahit paunti-unti subalit, kung magpapatuloy ang paglabag sa mga pag-iingat laban sa COVID-19, mas lalong maaapektuhan ang ating kabuhayan.


Tulad ngayon, patuloy sa pagtaas ang bilang kaso ng mga nagpopositibo sa virus, kung saan mahigit kalahating milyon na ang kabuuan, paano kung biglang iutos ng gobyerno na mas higpitan ang community quarantine? Mas lalong malilimitahan ang paglabas ng mga tao at nganga naman ang ekonomiya.


Kaya huwag nang matigas ang ulo, sundin ang mga health protocol, huwag magpakampante lalo na at nakapasok na rin ang bagong variant ng COVID-19 na sinasabing mas mabilis ang pagkalat.


Muli, paalala sa lahat ng establisimyento, ipatupad ang lahat ng panuntunan sa gitna ng pandemic, kapag sinabing bawal, bawal!

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page