Mga nasirang iskul, tiyaking ligtas at maayos bago magpasukan
- BULGAR
- Aug 9, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 9, 2023
Upang matiyak na magpapatuloy pa rin ang pag-aaral ng mga estudyante, siniguro ng Department of Education (DepEd) na may nakalatag na contingency plan sa mga paaralan na napinsala ng mga nagdaang bagyo.
Ang mga paaralan na nasira ay priority umano ng disaster funds para sa pagpapagawa ng mga ito.
At kung hindi naman umabot sa pagbubukas ng klase ay mayroong blended learning modality na maaaring gamitin.
Ipinaliwanag ni DepEd Undersecretary at Spokesperson Michael Poa na nasa 353 paaralan ang napinsala ang imprastraktura dahil sa mga nagdaang bagyong “Egay” at “Falcon” gayundin ng habagat.
Paliwanag pa ng opisyal, nakikipag-ugnayan na ang DepEd sa mga field office nito para sa pagsasaayos at rehabilitasyon ng mga paaralan.
Mino-monitor na rin umano ng DepEd ang mga paaralang naapektuhan ng bagyo.
Gayunman, kung ang mga paaralan, lalo na ang mga may napinsalang imprastraktura ay hindi ituturing na ligtas para sa mga mag-aaral at guro, hindi sila pipiliting bumalik sa kani-kanilang mga eskwelahan.
Kung kailangan ng temporary learning spaces, doon muna pansamantalang ilalagay ang mga guro at mag-aaral.
Maaari rin umanong ilipat kaagad ang mga mag-aaral sa blended learning sa pamamagitan ng Alternative Delivery Mode (ADM).
Mayroong inilaan na P2-billion Quick Response Fund (QRF) para sa pagsasaayos at rehabilitasyon ng mga napinsalang paaralan.
Ang pondong gagamitin para sa clean-ups ay naibigay na sa mga rehiyon o mga apektadong iskul.
Magandang layunin ito dahil kaligtasan muna ng mga mag-aaral at guro ang dapat unahin bago bumalik sa kani-kanilang mga paaralan. Kahit paano ay mababawasan na ang pangamba ng mga magulang dahil matinding pinsala talaga ang iniwan ng mga nagdaang bagyo.
Umaasa tayo na magtutuluy-tuloy ang pagsasaayos at rehabilitasyon hindi lang sa mga paaralan kundi sa iba pang mga imprastraktura upang makasiguro tayo na ligtas at malayo sa kapahamakan ang mga mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments