top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Mga nasa likod ng human trafficking, pangalanan!

  • BULGAR
  • Dec 4, 2022
  • 2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | December 4, 2022


Matapos ibulgar sa Senado ang bagong modus sa human trafficking, iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang maaaring pagkakasangkot ng ilang opisyal at tauhan ng Bureau of Immigration (BI).


Ito ay matapos ipag-utos ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla at tiniyak na walang sasantuhin sa imbestigasyon.


Matatandaang unang ibinulgar ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros ang bagong modus na naisasagawa sa posibleng pakikipagsabwatan ng mga tauhan ng BI at airport terminal officials.


Sa isang pagdinig sa Senado, iprinisinta ni Hontiveros ang ilan sa mga nailigtas na Pilipinong biktima ng sindikato sa Myanmar. Nakapuslit umano ang mga biktima ng sindikato sa Immigration Counter sa NAIA Terminal 3 gamit ang mga airport concessionaires passes.


Samantala, ayon sa mga OFWs na nasagip sa Thailand matapos tumawid sa Myanmar, pinangakuan sila ng trabaho bilang call center agent, customer service representative o data encoder. Ngunit pagdating sa Thailand, kung saan inaakala nilang magtatrabaho sila, dinala umano sila ng mga alagad ng Chinese mafia sa Myanmar para gawing mga scammer na gumagamit ng crypto currency. Kapag wala silang na-scam, hindi umano sila pinapakain, hindi pinapasuweldo, ibinebenta sa ibang kumpanya at pinagbabantaan ang kanilang buhay.


Sa totoo lang, nakadidismaya na sa gitna ng pagsisikap na makahanap ng trabaho ng ilan nating kababayan, nabibiktima pa ng mga ganitong modus. Ang masaklap, kung sino pa ang higit na nangangailangan ng hanapbuhay, sila pa ang nabibiktima.


Kaya naman panawagan sa mga kinauukulan, habang tinitiyak na magiging patas ang imbestigasyon, pangalanan at panagutin ang mga sangkot na tauhan o opisyal.


Patawan sila ng mabigat na parusa dahil grabeng pahirap ng naturang modus sa mga biktima.


Isa pang pakiusap, sikaping malinis at matanggal ang mga ganitong gawain, alang-alang sa mga kababayan nating nais maghanapbuhay.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page