Mga nasa likod ng artificial shortage sa asukal, kasuhan!
ni Ryan Sison - @Boses | August 24, 2022
Naninindigan ang Palasyo na artipisyal lamang ang kakulangan ng suplay ng asukal sa bansa at ito ay dahil umano sa hoarding.
Sa inilabas na statement ng Office of the Press Secretary (OPS), ang malaking halaga ng asukal na nadiskubre ng mga awtoridad sa kanilang pag-iinspeksyon sa iba’t ibang bodega sa Luzon ang dahilan, kaya naniniwala ang Malacañang na ang pagtatago o hoarding ang dahilan ng diumano’y sugar shortage sa bansa.
Dahil dito, patuloy na pinaiigting ng gobyerno ang kampanya laban sa mga nagtatago at smuggling ng mga agricultural products, kaya ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, na siyang namumuno ng Department of Agriculture (DA), sa Customs na bisitahin ang mga bodega at tingnan ang inventory ng imported agricultural products para matiyak kung may nagaganap na hoarding.
Matatandaang, kamakailan ay nagsagawa ng inspeksyon ang Bureau of Customs, Sugar Regulatory Administration (SRA) at DA sa mga bodega sa ilang bodega sa Metro Manila at probinsya. Sinundan pa ito ng inspeksyon sa Guiginto, Bulacan, kung saan nadiskubre ang 60,000 sako ng hinihinalang itinatagong asukal.
Sa totoo lang, malaking problema ang diumano’y kakulangan ng suplay ng asukal.
Maituturing na pagmamanipula ang hoarding o pagtatago ng suplay. At ramdam na ramdam ang domino effect dahil sa pagtaas ng presyo nito, nagtaasan na rin ang presyo ng ilang produkto na asukal ang pangunahing sangkap.
Kailangang matukoy kung sino ang mga nasa likod nito at panagutin ang dapat managot.
Matagal-tagal nang hirap ang maliliit na negosyante, gayundin ang ordinaryong mamamayan, kaya dapat lang na maimbestigahan at may managot sa isyung ito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments