top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Mga namemeke ng Philippine Passport, lagot!

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 18, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Marso 18, 2024


Isang bagong batas ang nilagdaan hinggil sa pamamahala ng pagpapalabas ng mga passport sa ating bansa.


Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), pinirmahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang Republic Act No. 11983, o ang “New Philippine Passport Act,” noong March 11.


Ang bagong panukala ay epektibong pinawalang-bisa ang RA No. 8239 o ang Passport Act of 1996.


Sa ilalim ng “New Philippine Passport Act,” inaatasan ang Department of Foreign Affairs (DFA) na magtatag at magpanatili ng isang online application portal at Electronic One-Stop Shop na madaling ma-access ng kanilang official website.


Inaawtorisa rin ng naturang batas ang DFA na magbigay ng offsite at mobile passport services sa mga lugar sa labas ng consular offices at foreign service posts (FSPs).


Bukod dito, minamandato ng batas ang nasabing kagawaran na ayusin ang mga accommodation para sa mga aplikasyon ng mga regular passport ng mga senior citizen, PWDs, buntis, menor-de-edad na 7 taong gulang pababa, solo parents, OFWs, at mga indibidwal na may emergency at exceptional cases.


Nagpapataw naman ang bagong batas sa passports ng mga parusa o penalties sa application, paggamit at paghawak ng mga bagong passport.


Batay sa nakasaad sa RA No. 8239, ang “sinumang tao o entity na walang legal na awtoridad na kumumpiska, retains o withhold ng anumang passport na inisyu ng DFA ay dapat patawan ng parusang pagkakulong ng hindi bababa sa 12 taon at magbabayad ng multang hindi bababa sa P1 milyon, ngunit hindi hihigit sa P2 milyon”.


Mahaharap naman ang mga namemeke o forger ng Philippine passport sa anim hanggang 15 taong pagkakakulong at multang hindi bababa sa P100,000, ngunit hindi hihigit sa P250,000.


Para sa mga paglabag na may kaugnayan sa hindi wastong paggamit ng passport at iba pang mga travel document, ang mga nagkasala ay mahaharap sa anim hanggang 15 taong pagkakakulong at multang hindi bababa sa P100,000, ngunit hindi hihigit sa P250,000.


Sa mga paglabag na may kinalaman sa passport issuances, ang mga violator ay mahaharap sa anim na taong pagkakakulong, ngunit hindi hihigit sa 12 taong pagkakabilanggo at multang hindi bababa sa P100,000, ngunit hindi hihigit sa P250,000.


Sinabi pa ng PCO na nakasaad din sa naturang batas, ang mga parusa para sa hindi patas at discriminatory practices sa pag-iisyu ng passport, mula sa suspensyon at dismissal sa serbisyo, gayundin ang multa na hanggang P250,000 at maximum na anim na taong pagkakakulong.


Mainam at may bagong batas nang ipapatupad hinggil sa pag-iisyu ng ating mga passport.


Malaki ang magiging pakinabang nito sa mamamayan na gagamit palabas at pabalik ng Pilipinas. 


Paalala lang sa kinauukulan na sana ay maayos ang gagawin nilang sistema sa pagpapalabas ng mga passport para hindi mahaluan ng anumang korupsiyon, gaya ng napaulat kamakailan na may mga dayuhang naisyuhan ng mga pekeng Philippine passport at labas-masok sa ating bansa.


Lagi sana nating tatandaan na gawin nang tapat ang ating mga trabaho at maaasahang pagseserbisyo sa taumbayan.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page