Mga nagtitinda, apektado rin ng mataas na presyo ng sibuyas
ni Ryan Sison - @Boses | November 25, 2022
Hindi lamang mamimili ang apektado ng grabeng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, partikular ang sibuyas.
Hirap na ring makabenta ang mga nagtitinda, lalo na ang mga talipapa vendor. Halimbawa na lamang sa palengke ng Divisoria, kung saan mula sa P180 kada kilo, umaabot na sa P250 ang kada kilo ng presyo ng lokal na sibuyas ngayong Nobyembre.
Kung noon, marami ang pumupunta sa mga tindahan dito, ngayon ay mangilan-ngilan na lamang ang bumibili.
Ayon sa mga nagtitinda, dahil sa taas ng presyo ng sibuyas, halos doble ang kanilang puhunan, kaya naman umaabot na sa P13 kada piraso ang benta ng ilan na dati ay P7 lamang.
Bagama’t alam ng mamimili na mataas ang presyo ng sibuyas ngayon, may mangilan-ngilan pa ring nagugulat dahil kung dati ay nakakamura sila kapag bumibili ng isang kilo, ngayon ay ilang piraso na lamang ang kayang bilhin at kailangan pang pagkasyahin sa ilang lutuan.
At kahit subukan pang tumawad para kahit paano ay makatipid, hindi pa rin napagbibigyan ang mga ito.
Sa totoo lang, literal na lahat ay apektado dahil sa pagtaas ng presyo ng sibuyas. Mula sa mga magsasaka, hanggang sa mga mamimili at nagtitinda.
Ang ending, nagtitinda man o namimili, walang nakikinabang. Ang masaklap pa, sayang ang pinaghirapan ng mga magsasaka.
Naniniwala tayong may magagawa ang mga kinauukulan, kaya naman panawagan natin, hindi man maibalik sa dati ang presyo ng mga bilihin, malaking bagay na kung bahagya itong mapapababa.
Ang nagagastos dahil sa dobleng presyo ng mga bilihin ay mailalaan na sana sa iba pang gastusin, kaya kung mapagbibigyan, magandang pamasko sa ating mga kababayan ang abot-kayang presyo ng bilihin at serbisyo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments