Mga motorista, dapat nasa kondisyon ang isip at katawan bago bumiyahe
- BULGAR
- Dec 29, 2022
- 1 min read
ni Ryan Sison @Boses | December 29, 2022
Dahil sa kaliwa’t kanang party na idinaraos ngayong holiday season, hindi maiwasan ang mga inuman, bagay na maaaring magdulot ng peligro sa mga nagmamaneho.
Base datos ng Metro Manila Accident Reporting and Analysis System ng Metropolitan Manila Development and Authority (MMDA), noong isang taon ay umabot nang 42,812 ang insidente ng road crash sa Metro Manila, na nagdulot ng pinsala sa ari-arian. Pinakamaraming nangyari sa buwan ng Nobyembre at Disyembre, na kasagsagan din ng holiday season. Gayundin, kabilang ang pagmamaneho nang lasing sa dahilan kaya naaaksidente ang motorista.
Naitala rin na sa mga insidente ng road crash, pinakamaraming namatay sa pagitan ng ala-1:00 hanggang alas-2:00 ng madaling-araw, dahil posibleng marami ang inaantok o nagmamaneho nang lasing.
Samantala, base sa datos ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG), noong Nobyembre ay umabot na sa 59 ang kaso ng drunk driving at ngayong buwan naman o mula Disyembre 1 hanggang 18, naitala ang 34 kaso.
Dahil dito, patuloy ang paalala ng awtoridad sa mga motorista na maging responsable.
Kung tutuusin, hindi lamang ari-arian ang napipinsala, sapagkat may mga pagkakataong sanhi rin ito ng kamatayan.
Kaya tulad ng palagi nating paalala, kung hindi maiiwasang mag-inuman kung dadalo sa party, huwag magtangkang magmaneho. Tiyaking nasa kondisyon ang isip at katawan para iwas-aberya, lalo na’t hindi lamang kayo ang posibleng malagay sa peligro kundi maging ang mga kasabayan sa kalsada.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments