top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Mga modelo, pinangakuang pasisikatin, nasagip sa sex trafficking

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 1, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | March 1, 2023


Nabuhay na ulit ang itinuturing na pagbebenta ng laman o “sex trafficking modus,” matapos na masagip ang pitong freelance models, kabilang ang isang menor-de-edad ng National Bureau of Investigation (NBI), kamakailan.


Inaresto rin ng mga tauhan ng NBI-National Capital Region ang isang babae na nag-recruit sa mga modelo, na pinangakuang pasisikatin subalit ipapain umano sa sex trafficking.


Ayon kay NBI-Assistant Director for Regional Offices Atty. Lito Magno, nahuli ang sinasabing bugaw na si Diane Manarang nang aktong tanggapin nito ang mahigit sa P100,000 marked money mula sa isang ahente ng NBI na nagpanggap na kliyente na nakipagkasundo sa kanya na magkita sila sa isang lugar sa Metro Manila, habang nasa kustodiya ng ahensya pansamantala ang pitong babaeng nailigtas.


Anang opisyal, natukoy ng NBI-NCR ang operasyon ni Manarang sa online transaction, kung saan nagre-recruit at pinapangakuang pasisikatin ang mga modelo kapag sumunod sa kanyang mga utos, subalit babagsak lang sila sa sex trafficking.


Sinabi ng ahensya na nagpapakilala umano ang suspek na may koneksyon ito sa films at magazines. Gayundin, nag-umpisa umano sa P20,000 hanggang P200,000 ang singil niya sa kanyang mga kliyente kapalit ng serbisyo ng kanyang mga modelo.


Itinanggi naman ng suspek ang paratang at iginiit na talagang event models ang kanyang mga alaga at maging siya ay ganundin.


Nakatakdang sampahan ng NBI ng kasong qualified human trafficking ang suspek lalo na at may nakabilang na menor-de-edad na nasagip sa operasyon.


Hawak na rin ng ahensya ang cellphone ng suspek na naglalaman ng mga ebidensya at listahan ng kanyang mga parokyano.


Mahusay at mabilis ang pagkilos ng mga kinauukulan sa pagsagip sa mga babaeng muntik nang maging biktima ng sex trafficking.


Kung hindi nila agad nagawan ng aksyon, malamang na napakasaklap ng kasasapitan ng mga kadalagahan kabilang pa ang isang menor-de-edad.


Kapag umiral talaga ang pagkaganid ng tao sa pera ay walang pinipili kahit sino pa ang mabibiktima.


Suriin natin ang ating sarili na maaaring madamay sa gagawin natin ang ating mga kapatid na babae, ina, pinsan at mga kamag-anak.


Pag-isipan din nating mabuti ang gagawin kung makabubuti ito o makakasama sa ating kapwa na posibleng maging dahilan ng pagkawasak ng kanilang kinabukasan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page