Mga menor-de-edad, nagtatrabaho sa bodega ng pekeng laruan

ni Ryan Sison @Boses | May 24, 2024

Nakalulungkot na may mga menor-de-edad na madidiskubreng nagtatrabaho sa halip na sila ay mga nasa eskwelahan at nag-aaral.
Limang minors kasi ang natagpuan ng mga awtoridad na nagtatrabaho sa isang warehouse na gumagawa at nagbebenta ng mga pekeng laruan sa Guiguinto, Bulacan.
Batay sa report, ang dalawa umanong may-ari ng nasabing bodega ay pawang mga Chinese, kung saan inamin ng isa sa kanila na sangkot sila sa paggawa ng mga pekeng laruan.
Kaya naman inaresto ng pulisya ang dalawang Chinese national, kasama ang kanilang 23 manggagawa.
Sa salaysay ng isa sa mga menor-de-edad, hindi niya alam na nag-iimpake pala sila ng mga pekeng laruan dahil nagtatrabaho lang siya roon at wala raw siyang magawa sa kanilang bahay.
Sinabi naman ng isa pang minor na kaya lang siya nagtatrabaho roon dahil nanakaw ang kanyang cellphone at gusto niyang makapag-ipon.
Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-National Capital Region, naglalaman ang bodega ng mga kahon na may mga toy cars. Kinumpiska rin nila ang mga nakaimpake nang mga laruan, kung saan handa nang i-deliver sana sa iba't ibang lugar sa bansa.
Sinabi ni Police Major Jet Sayno, nabatid din nilang mayroon ang mga ito na online selling na umaabot na ng Visayas at Mindanao ang mga transaksyon na nag-o-order ng kanilang produkto.
Base sa pahayag ng lehitimong manufacturer ng laruan, ang mga produktong nakaimbak sa naturang bodega ay mga imitation lamang.
Nakadiskubre rin ang CIDG-NCR sa nasabing warehouse ng mga inumin at makeup products na may nakasulat umanong Chinese characters, gayundin, mga pekeng t-shirt ng mga kilalang brand.
Magsasampa naman ang CIDG ng kaso laban sa mga suspek.
Tila napapabayaan ang mga kabataan, partikular na ang mga menor-de-edad, na magtrabaho sa mga ganitong klase ng pagawaan na dapat sana ay pag-aaral ang inaatupag.
Kung tutuusin, responsibilidad talaga ng mga magulang na sila ay tingnan at ibigay ang kanilang pangangailangan, subalit may obligasyon din ang ating pamahalaan na pangalagaan, intindihin at proteksyunan ang mga katulad nilang menor-de-edad pa lamang.
Sa ganang akin ay hindi tama na sila ay payagang pagtrabahuhin sa ganyang murang edad. Hindi ba’t may batas tayong umiiral hinggil sa tinatawag na child labor na mariing ipinagbabawal?
Sana, totoong maipatupad ito ng kinauukulan habang ‘wag nilang hayaang humantong at pumasok ang mga kabataan sa maagang pagtatrabaho dahil sa hindi pa sila talagang handa para rito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments