Mga mawawalan ng trabaho sa POGO ban, nakababahala
- BULGAR

- Jul 24, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | July 24, 2024

Matapos na ipag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang pag-ban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa, nagpahayag ng pagkabahala ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) para sa libu-libong Pilipinong mawawalan ng trabaho.
Gayunman, sinabi nina DOLE Secretary Bienvenido Laguesma at PAGCOR chairman and CEO Alejandro Tengco, na susundin nila ang utos ng Pangulo.
Ayon kay Laguesma, may concern lamang sila, pero ito ay direktiba na dapat ipatupad. Dahil aniya sa direktiba at binigyan ng transition period, gagawin ng DOLE ang pag-iimplementa, pagbabalangkas kung paano hindi mahihirapan ang mga maapektuhan na mga manggagawa.
Sinabi ni Laguesma na inaasahan at pinaghahandaan na rin ng kagawaran ang epekto ng POGO ban.
Ipinahayag ng kalihim na tinatayang may 22,000 Pilipino na nagtatrabaho sa mga legal na POGO sa Metro Manila ang maaaring mawalan ng hanapbuhay dahil sa pagbabawal dito.
Binigyang-diin naman ni Tengco na ang kalagayan ng mga manggagawang mawawalan ng trabaho dahil sa pag-ban nito ay isang bagay na kailangang tingnan. Binanggit din niya ang iba pang negosyong konektado sa industriya ng POGO. Aniya, kailangan itong pag-aralan dahil ang concern dito ay ang mga trabahador na mawawalan ng hanapbuhay habang may ibang negosyo na nakakabit sa mga POGO.
Sang-ayon naman si Tengco hinggil sa tsansang dumami ang mga ilegal na POGO, kaya kailangan ang pakikipag-ugnayan sa law enforcement agencies. Sinabi rin niyang susunod sila sa direktiba ni PBBM na itigil ang lahat ng operasyon ng POGO sa pagtatapos ng taon.
Gayundin, malinaw ang pahayag ng Pangulo tungkol dito kaya naman mayroon silang anim na buwan para tapusin ito.
Sinabi ni Tengco na kailangan na nilang simulan ito dahil may proseso muna na dapat gawin. Binigyan na rin ng instruction ang PAGCOR, maging siya, na dapat ay pinoproseso na nila dahil ang nais ng Pangulo ay sa katapusan ng taon totally wala nang operasyon ng POGO.
Nangako rin siya na pagsapit ng 2025, gagawin nila ang lahat ng magagawa para wala nang mag-o-operate na internet gaming license.
Mainam ang naging desisyon ng Pangulo na tuluyan nang i-ban ang operasyon ng POGO sa ating bansa.
Lumalabas kasi na mas dumarami pa ang mga ilegal na gawain na nagdudulot ng masamang epekto sa mga mamamayan at sa ating bansa.
Sana lang ang mga kababayan na maaapektuhan nang husto at mawawalan ng trabaho dahil sa pag-ban dito ay maalalayan ng gobyerno at mabigyan naman sila ng trabaho at ikabubuhay.
Kumbaga, kailangang agad na matugunan ng kinauukulan ang mga magiging jobless na mga kababayan at marami-rami rin ang mga ito.
Huwag din nila sanang hayaan na dumami pa ang mga walang trabahong mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments