Mga manggagawang apektado ng El Niño, nabigyan ng trabaho

ni Ryan Sison @Boses | April 28, 2024

Mahigit 35,000 manggagawang apektado ng El Niño phenomenon ngayong buwan ang nabigyan ng alternatibong kabuhayan ng ating gobyerno.
Sa pre-Labor Day press briefing, sinabi ni Department of Labor and Employment (DOLE) Undersecretary Benjo Benavidez na pansamantalang nagtatrabaho ang mga apektadong indibidwal sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD Program.
Mula ang mga ito sa Cordillera Administrative Region (CAR) at Mimaropa, gayundin sa Rehiyon I, III, IV-A, VI, IX, at X.
Ayon kay Benavidez, may mga kababayang naapektuhan ng El Niño at dahil doon ay nawalan sila ng trabaho. Kaya naman binigyan nila sila ng tinatawag na temporary wage employment sa ilalim ng TUPAD.
Aniya, tuluy-tuloy ang kanilang tulong na ipinagkakaloob sa mga kapwa Pinoy na apektado ng naturang phenomenon, at sa katunayan ay malaking bahagi ng TUPAD payouts para sa Labor Day ang mapupunta sa kanila.
Hindi naman bababa sa P163 milyon ang inilaan para sa mga sahod o salaries ng mga benepisyaryo.
Ang El Niño phenomenon ay nailalarawan bilang isang abnormal na pag-init ng temperatura sa ibabaw ng dagat o sea surface temperature sa central at eastern equatorial Pacific Ocean at below-normal rainfall.
Nitong Miyerkules, ayon sa Task Force El Niño, hindi bababa sa 100 lungsod at munisipalidad sa bansa ang naapektuhan na ng El Niño phenomenon.
Mainam ang pagbibigay sa ating mga kababayang nawalan ng ikabubuhay na magkaroon ng trabaho kahit pa ito ay temporary lamang.
Natulungan sila agad at hindi na kailangan pang umasa sa ayuda lang na ibibigay ng gobyerno. Kumbaga, may hanapbuhay at pagkakakitaan sila kahit papaano na maiuuwi para sa kanilang pamilya.
Hiling natin sa kinauukulan na sana ay hindi lang mga naapektuhan ng El Niño phenomenon ang mabigyan ng hanapbuhay dahil mas marami pa ring mga kababayan na hanggang ngayon ay hindi makahanap at wala talagang trabaho. Isipin sana natin na higit silang nangangailangan ng tulong na kaya namang tugunan ng pamahalaan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments