top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Mga mamimili, aaray na naman sa presyo ng sibuyas

Writer: BULGAR
BULGAR
May 12, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | May 12, 2023


Muling tumaas nang hanggang P20 kada kilo ang presyo ng sibuyas dahil umabot sa P200/kilo ang pinakamataas na selling price kumpara sa P180/kilo noong nakaraang linggo, ayon sa monitoring ng Department of Agriculture (DA).


Batay sa monitoring ng DA nitong Lunes, aabot sa P200 kada kilo ang sibuyas sa Guadalupe Public Market sa Makati at Marikina Public Market.


Nasa pagitan ng P160 at P190 kada kilo naman sa iba pang pamilihan sa Metro Manila, kabilang ang New Las Piñas City Public Market; San Andres Market, Quinta Market, Pritil Market sa Maynila; Pamilihang Lungsod ng Muntinlupa; Pasay City Market; Pasig City Market; Commonwealth Market, Muñoz Market, Mega Q-Market sa Quezon City at Malabon Central Market.


Ayon kay farmers’ group Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag) president Rosendo So, dapat paghandaan ng DA ang pag-aangkat ng mga puting sibuyas sa Agosto upang maiwasan ang panibagong krisis sa Disyembre.


Sinabi ni So na tapos na ang pag-ani ng sibuyas sa Northern Luzon, habang ito ay patuloy pa rin para sa mga magsasaka sa lugar ng Mindoro. Dagdag pa niya, nasa kamay na ng mga traders ang bulto ng stocks, kaya dapat umanong matuto ang DA sa naranasan ng bansa noong nakaraang taon, kung saan nagkaroon ng kakulangan ng sibuyas sa gitna ng kabiguan ng gobyerno sa pag-i-import.


Dahil aniya sa kakulangan ng supply ng mga puting sibuyas nang panahong ‘yun, ang mga institutional buyer tulad ng mga restoran ay lumipat sa pulang sibuyas, na naging sanhi ng kakulangan sa supply ng mga sibuyas noong Disyembre 2022, kasabay ng mataas ang demand dahil sa holiday. Matatandaang, umabot sa P720 kada kilo ang mga sibuyas noong Disyembre sa gitna ng kakulangan sa suplay.


Ayon sa DA, noong 2022, ang kabuuang ani ng sibuyas sa bansa ay umabot sa 283,172 metric tons. Noong 2021 naman, ang produksyon ng sibuyas ay umabot sa 218,050 MT.


Hindi bababa sa 29,728 ektarya ng lupa sa buong bansa ang tinataniman ng mga sibuyas.


Sa gitna ng mga nagtataasang presyo ng bilihin, nakisabay na naman ang pagtaas ng presyo ng sibuyas. Talagang aaray na ang taumbayan sa problemang ito.


Kung dati ay nag-e-export lang tayo ng mga sibuyas, ngayon ay nag-aangkat na tayo kaya ito ang dahilan ng mataas na presyo ng naturang produkto.


Mukhang mga importers at developers lang ang kumikita rito at puro barya ang napupunta sa mga magsasaka natin.


Agapan sana ng DA ang nakaambang pagtaas ng presyo ng sibuyas at huwag gawing solusyon ang pag-aangkat.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page