Mga magulang, tiyaking okay ang mga anak
- BULGAR
- Jan 30, 2023
- 1 min read
@Editorial | Enero 30, 2023
Kasunod ng mga nangyaring pambu-bully, pagpatay at pagpapakamatay sa loob mismo ng eskuwelahan, may inamin ang Department of Education (DepEd).
Ayon sa ahensya, isa sa mga dahilang nakikita ay ang kakulangan sa guidance counselor.
Hirap umano ang DepEd na makakuha ng guidance counselors na tutugon sa psychosocial needs ng mga estudyante.
Ang dahilan, mas mababa ang suweldo at walang career progression.
Batid naman natin na malaking tulong ang guidance counselor para matugunan ang mental health needs ng mga mag-aaral.
Bukod sa mga dati nang problema sa pamilya at mga taong nakapaligid, nakadagdag din ang impluwensya ng mga computer games at ng social media. Maraming kabataan ang masyadong nadadala sa games, hindi lang katawan ang napapabayaan sa kapupuyat kundi maging ang pag-iisip. Ganundin ang epekto ng socmed.
Kaya kung may pagkakataon na talagang hindi na rin malaman ng magulang kung ano ang gagawin para maawat ang anak sa pagkalulong sa gadgets, sana ay may katuwang naman sa eskuwelahan, sa katauhan ng guidance counselor. Pero dahil kokonti sila, masuwerte na kung mat mga guro na puwede ring gumabay nang mas higit pa.
At dahil alam naman ng DepEd na problema ang kakulangan sa guidance counselor, sana ay may naisip na silang paraan para matugunan ito.
Ang pakiusap lang natin lalo na sa mga magulang, bilang tayo ang kasama ng bata sa bahay, tiyakin nating okey sila.
Kumustahin natin, buksan ang maayos na komunikasyon. Huwag nang hintayin na matulad sila sa mga estudyanteng nakapatay o pinatay dahil sa kawalan ng sapat na paggabay.





Comments