Mga magulang at guro, pinalagan ang ‘face-to-face classes’

@Editorial | December 19, 2020
Marami ang nangamba sa pagbabalik ng ‘face-to-face classes’.
Kaugnay ito ng plano ng DepEd na pilot testing ng ‘face-to-face classes’ sa mga tutukuying ‘safe areas’ sa pagpasok ng bagong taon.
Bagama’t aminado ang ilang magulang na hindi madali at nahihirapan sila sa online classes, mas nanaisin pa umano nila ang ganitong sistema kaysa ilagay sa alanganin ang kaligtasan ng kanilang mga anak.
Samantala, ayon sa grupo ng mga guro, maaaring lumikha pa ng mas malaking problema kapag nadale sila at ang mga estudyante ng COVID-19.
Anila, base sa mga pag-aaral ay maaari pang maging ‘super spreader’ ng sakit ang mga bata.
Hindi umano maililigtas ng face mask o face shield, alcohol at physical distancing ang mga guro at mag-aaral.
Pabor tayo sa mas maayos at dekalidad na edukasyon na nais maipatupad sa tradisyunal na klase, pero sana’y hindi nito mailalagay sa alanganin ang kaligtasan ng mga mag-aaral.
Sa totoo lang, kung iisipin, ‘yung matatanda nga ay hindi sumusunod sa mga health protocols, bata pa kaya?
Awat na sa ‘mema’ na hakbang, pag-isipan sanang mabuti ng gobyerno ang mga desisyon.
Siguruhing ito ay solusyon at hindi panibagong problema na naman na sa huli ay wala naman silang magagawa kundi humingi na lang ng pasensiya sa mamamayan.



Comments