Mga maaaring gawin para maiwasan ang lungkot at stress ngayong pandemya
- BULGAR

- Sep 6, 2021
- 2 min read
ni Jasmin Joy Evangelista | September 6, 2021

Bukod sa banta ng COVID-19, marami ang nahaharap din sa mental health crisis ngayong panahon ng pandemic. Ito ay dahil sa kabi-kabilang quarantine, lockdown, at mga health protocols na dapat sundin sanhi ng kumakalat na virus na ito.
Sa mga nagdaang pag-aaral nang magsimula ang COVID-19 outbreak sa bansa, kasabay ng pagtaas ng kaso ng Covid ay tumataas din ang bilang ng mga nakararanas ng iba’t ibang mental health issues.
Kaya panawagan ng mga mental health expert na sana ay bigyang-pansin din ang mental health bilang public health response ng gobyerno.
Kabilang sa mga tinitingnang sanhi ng mental health issues ngayon ay ang problema sa pinansiyal na aspeto, kawalan ng trabaho, pangamba ng pagkakahawa o pagkakaroon ng sakit, at ilan pang mga pagbabago sa pang-araw-araw nating pamumuhay.
Marami ang naninibago at hindi pa rin maka-cope na kailangang mag-isolate, o iwasan muna ang gatherings kahit pa sa mga malalapit na pamilya at ang pagtatrabaho at pag-aaral sa bahay. Tila hindi na umano kayang ibalanse ng ilan ang mga pagbabagong ito kaya nauuwi sa stress, anxiety, o depression.
Ayon sa ilang eksperto, makatutulong kung hahanap ng bagong libangan o mapagtutuunan ng pansin upang makaiwas sa ‘negative thoughts’ ang isang indibidwal. Ilan sa maaaring gawin ay ang mga sumusunod:
• Mag-set ng regular na schedule para sa mga routines and tasks
• Mag-exercise araw-araw
• Bawasan ang paggamit ng gadgets pagkatapos ng klase o trabaho
• Iwasan ang over-sleeping, under-sleeping, at over-eating
• Tumuklas ng mga interesting hobbies
• Bumuo ng magandang komunikasyon sa kaibigan at pamilya, virtually
• Mag-isip ng mga malikhain/unique na paraan para makatulong sa iba
• Laging magbasa/manood ng mga balita
• Um-attend ng webinars tungkol sa mental health concerns
• Patatagin ang pananampalataya sa Panginoon
Hindi natin maiiwasan ang mangamba at malungkot sa mga panahong ito ngunit maraming paraan para lagpasan ang mga ito at hindi tayo malugmok sa buhay. Lagi nating isipin ang mga positibong pangyayari sa kabila ng mga negatibong bagay na ibinabato sa atin ng mundo. Mahalaga pa rin na tayo ay maging mapagpasalamat dahil tayo ay malusog at nananatiling ligtas kasama ang mga mahal natin sa buhay.
Matatapos din ang pandemyang ito. Babalik din tayo sa normal at pagdating ng panahon na tayo ay malaya na sa mapaminsalang virus na ito, nasa atin na ang lahat ng oras sa mundo upang bawiin ang mga nasayang na sandali sa ating buhay. Cheer up!








Comments