top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Mga lolo at lola, tinatarget ng mga scammer

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 19, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 19, 2023


Wala nang pinipili ang mga scammer dahil pati mga mahal nating lolo at lola ay kanila ring gustong biktimahin.


Ito ang naging babala ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, na may mga indibidwal na inaakit umano ang mga senior citizens na sumapi sa isang organisasyon at sinasabing magkakaroon sila rito ng dagdag na mga benepisyo.


Bukod sa mga senior, tinatarget din ng mga scammer ang mga persons with disabilities (PWDs), kung saan ayon sa kalihim, may pagkakataon minsan na kakapit talaga agad sa pinakamadaling tingin ng mga ito na avenue o paraan kapag nagigipit.


Binigyang-diin ni Gatchalian na ang kagawaran ay hindi nagpapadala ng mga text messages sa publiko, at lalong walang anumang fee na babayaran para sa mga unclaimed benefits.


Inihalimbawa naman ng DSWD chief ang isang 70-anyos na lola na nakatanggap ng isang text message hinggil sa ire-release na social pension.


Sa salaysay ng lola, sinabi sa kanya na nakasama siya sa ire-release nang social pension, subalit ayon sa kausap nito, kulang ito sa impormasyon at kailangang mag-reply siya sa ganitong numero upang makumpleto umano ang mga detalye patungkol sa kanya.


Agad ding tinanong ng senior ang DSWD kaugnay sa natanggap na mensahe at nabatid nitong isa palang scam.


Binanggit din ng lola na nangyari na rin ang ganitong klase ng pang-i-scam sa kanyang mga kapwa senior citizen.


Hinimok naman ng DSWD ang publiko na magtanong sa kani-kanilang local government units (LGUs) upang maiwasan na ang ganitong uri ng scam.


Nagkalat na ang mga scammer at walang patawad na binibiktima ay matatanda na tila nawawalan na rin ng konsensya.


Hindi man lang naiisip na may mga lolo at lola sila na nag-alaga at nag-aruga sa kanila, pero dahil sa kagustuhan na kumita ng malaking pera, nagagawa pa rin nilang makapanloko.


Matauhan sana kayo sa inyong ginagawa at itigil niyo na ang ganitong klase ng masamang gawain.


Sa kinauukulan, dapat na mas paigtingin niyo pa ang paghuhuli sa mga scammer at maresolba agad ang problema upang hindi na dumami pa ang mga mabibiktima.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page