Mga kwalipikado sa SSS Calamity Loan Program
- BULGAR

- 1 day ago
- 3 min read
by Info @Buti na lang may SSS | May 17, 2026

Dear SSS,
Magandang araw! Nais ko pong malaman kung sa tuwing may kalamidad ay nagbibigay ng loan program ang SSS. Magkano ang loanable amount at ilang taon itong babayaran? Salamat. —Elaine
Mabuting araw sa iyo, Elaine!
Tunay na maaasahan ng ating mga miyembro ang tulong mula sa SSS sa panahon ng mga kalamidad tulad bagyo, lindol at iba pa.
Ang Calamity Loan Program (CLP) ay magbibigay ng tulong pinansyal sa mga miyembro na naapektuhan ng kalamidad. Simula noong nakaraan taon, nagbibigay ang SSS ng calamity loan sa mas mababang interest rate at mas mabilis na proseso upang lalong matulungan ang mga miyembro.
Binaba ang interest rate nito sa 7% kada taon para sa mga miyembro na may good credit record (walang penalty condonation sa nakaraang limang taon, mula sa dating 10% kada taon. Pinahintulutan na rin ang renewal ng loan pagkatapos ng anim na buwan kung hindi pa past due ang umiiral na CLP ng member-borrower. Pinaikli ang activation process ng calamity loan sa loob lamang ng 7 working days mula sa petsa ng kalamidad.
Upang maging kwalipikado, dapat matugunan ng mga miyembro ang mga sumusunod na pangunahing kondisyon:
Dapat ay naninirahan o nagtatrabaho sa isang lugar na idineklara sa ilalim ng State of Calamity;
Dapat ay may hindi bababa sa 36 buwanang kontribusyon kung saan ang hindi bababa sa anim sa mga ito ang dapat na mai-post sa loob ng huling 12 buwan bago ang buwan ng pagpafile ng loan application;
Ang mga individual paying member ay dapat na nagbayad ng hindi bababa sa anim na kontribusyon sa ilalim ng kanilang kasalukuyang membership type;
Kailangang may online na account sa My.SSS portal para makapag-file ng online application;
Dapat ay walang past due loan account at walang natitirang restructured na loan;
Hindi dapat nabigyan ng anumang final benefit claim;
Dapat ay nasa legal na edad at wala pang 65 taong gulang sa panahon ng loan application; at
Dapat ay hindi na-disqualify dahil sa pandaraya na ginawa laban sa SSS.
Para sa mga employed member, dapat updated ang kanilang mga employer sa pagre-remit ng kontribusyon at loan payment sa SSS.
Online ang aplikasyon sa calamity loan gamit ang My.SSS account ng miyembro. Kapag naaprubahan ito, ipapasok ang loan proceed sa kanilang naka-enroll na disbursement account.
Maaaring makahiram ng katumbas ng kanilang Average Monthly Salary Credit sa huling 12 buwan o hanggang P20,000. Ito ay babayaran sa loob ng 24 na buwan kung saan ang unang loan amortization ay magsisimula sa ikalawang buwan pagkatapos ng loan approval.
***
Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa bagong loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.
Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.
Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang (5) taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.
***
Pinag-iingat ang mga pensyonado at miyembro laban sa mga taong nagpapangap na taga-SSS. Hindi tatawag ang sinumang tunay na empleyado ng SSS at magpapadala ng isang link ng isang app para i-install sa kanilang smartphone mobile devices. Kumuha lamang ng tamang impormasyon sa mga official social media accounts ng SSS. Bisitahin at i-follow ang opisyal na page ng SSS sa Facebook, X (ang dating Twitter), YouTube, at Viber, hanapin lang ang MYSSSPH. Maaari rin kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.
Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.


Comments