Mga kubrador ng “jueteng style”, exempted sa ‘stay at home’?!
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | April 09, 2021
MGA KUBRADOR NG JUETENG STYLE SA CAVITE AT RIZAL, ‘APOR’ BA KAYA HINDI KASAMA SA STAY AT HOME?—Kabilang ang Cavite at Rizal sa tinatawag na “NCR Plus” na isinailalim sa lockdown dahil sa dami ng tinatamaan ng virus, pero kahit mahigpit ang utos ng pamahalaan sa mga tao na mag-stay at home, ang mga kubrador nina “Mr. Yap”, “Jun Moriones” at “Manalac” ay gala pa rin nang gala para magpataya ng style-jueteng operation na “Perya ng Bayan.”
Ang nakapagtataka, walang aksiyon sina Cavite Gov. Jonvic Remulla, Rizal Gov. Rebecca Ynares, Cavite PNP Director Col. Marlon Santos at Rizal PNP Director Col. Joseph Argueles para hulihin ang mga kubrador na ito.
Ano kaya ang turing ng mga opisyal ng Cavite at Rizal sa mga kubrador na ito, APOR (Authorized Persons Outside Residence)? Buwisit!
◘◘◘
SOBRANG JOKE ANG SURVEY NG PUBLICUS ASIA—Habang pinuputakti ng batikos ang Duterte gov’t. dahil sa dami na ng tinatamaan ng virus sa bansa na humantong para magpairal ulit ng lockdown sa NCR Plus, walang inilalatag na solusyon, kakapusan ng bakuna at pag-“absent” pa ni P-Duterte sa kanyang weekly public address (kada Lunes) ay sinabayan ito ng paglalabas ng survey ng Public Asia Inc. na kesyo high rating ang performance ng pangulo sa tugon sa laban sa COVID-19.
Grabe namang survey ‘yan, sobrang joke, boom!
◘◘◘
NAOOBLIGA ANG MGA HEALTH WORKERS NA MAMIMILI NG ILILIGTAS SA COVID-19 DAHIL PALPAK ANG DOH—Makabagbag-damdamin ang post sa social media ni Dr. KayeCee dela Paz na dumating na sa punto na namimili sila ng pasyenteng ililigtas sa COVID-19.
Limang naghihingalong pasyenteng may COVID-19 raw ang sabay-sabay ipinasok sa emergency room ng gov’t. hospital na kanyang pinaglilingkuran at kailangang makabitan agad ang mga ito ng mechanical ventilator, pero kulang ang ventilator, at gustuhin man nilang iligtas ang lahat ay wala silang magawa, kaya’t ang resulta ay namatay ang tatlong pasyenteng hindi nakabitan ng ventilator.
Kung bakit nangyayari ang ganito, isa lang ibig sabihin niyan, palpak ang pamumuno ni Health Sec. Francisco Duque, period!





Comments