Mga korup na LGU executives, tunay na dahilan kung bakit mabagal ang internet sa ‘Pinas
- BULGAR

- Aug 2, 2020
- 2 min read
ni Ka Ambo - @Bistado | August 2, 2020
Bakit mahina at mabagal ang internet signal mo?
Wala kasing tower ang mga telecom.
At ang perhuwisyo ay ang mga korup na LGU executives na itinengga ang mga permiso sa pagtatayo ng tower!
◘◘◘
Sa pinakahuling press conference, pinahahanting ni P-Digong kung sinu-sinong LGUs ang tumitengga ng permiso sa pagtatayo ng mga signal tower sa iba’t ibang lugar.
Inatasan nito ang kanyang tatlong ayudante na tumanggap ng reklamo laban sa mga palpak na LGUs upang madisiplina ang mga ito!
◘◘◘
Sabi ni P-Digong: “Alam mo you can ask Bong (Sen. Bong Go) or Sonny (Finance Secretary Carlos Dominguez III) or the generals, kay Sec. (Eduardo) Año. Isumbong n’yo na lang nang diretso. At ang order ko sa Cabinet ngayon is to really take, kung pinakamabigat, the most drastic measure that you can find, para magkaintindihan.”
Alam ba ninyo na kailangan ang 25-29 permits para maitayo lang ang isang tower at tumatagal nang lampas walong buwan ang pagkuha sa mga ito?
◘◘◘
Isang klase ng modus-operandi ng mga nasabing LGU officials ang red tape upang makapanghingi sila ng lagay mula sa Globe at Smart. Nasa tagal ang kitaan!
“Ang 25 to 29 permit, umaabot nang walong buwan. Tapos marami pa ho kaming miscellaneous fees. Iba’t ibang klaseng tower fees. Meron kaming special use permit.
Hindi ho namin ma-standardize,” katwiran ni Globe Telecom president and CEO Ernest Cu nang ipatawag siya ni P-Digong sa Malacañang!
◘◘◘
Sa nakaraang State of the Nation Address (SONA), inupakan at binantaan ng Pangulo ang Globe at Smart.
“If you are not ready to improve, I might just as well close all of you and revert back to the line telephone. At kukunin ko 'yan, i-expropriate ko sa gobyerno. ‘Yung Smart, pati ‘yung Globe, ilang taon na ito? At ang sagot palagi sa akin, “The party cannot be reached.” Eh kung ganu’n lang naman, ibigay ninyo sa amin,” banta ni P-Digong sa SONA.
◘◘◘
Agad nagpaliwanag ang Globe official at alam na natin kung sino talaga ang may sala sa dispalinghadong phone signal.
Tiyak na mahihimasmasan na ang mga korup na LGU executives.
Kapag hindi sila sumunod sa utos na madaliin ang permiso sa telecom towers, tiyak na “titingalain sila.”
Sila ang mismong isasabit sa tore ng telecom.
He-he-he!





Comments