Mga kapitan na inutil kontra-pasaway, out!
- BULGAR
- Mar 14, 2021
- 1 min read
@Editorial | March 14, 2021
Patuloy sa pagtaas ang kaso ng COVID-19 at may bago pang variant.
Ito ay matapos kumpirmahin ng Department of Health (DOH) na isang returning overseas Filipino na mula sa Brazil ang unang kaso at nabatid na siya’y nasa Western Visayas.
Bukod pa rito ang pagkalat din ng UK at South African variant.
At habang sumisirit ang bilang ng COVID-19 cases tila dedma lang ang iba sa ating mga kababayan.
Sa isang lungsod sa Metro Manila, mahigit 3,000 pasaway ang naaresto dahil lumabag sa minimum health protocols, tulad ng pagsusuot ng face mask.
Ganundin sa ibang lugar na walang pakialam sa ipinatutupad na curfew. May mga post sa social media ng larawan ng mga kabataang nakatambay sa kalsada, naglalaro at nagkukumpulan.
Sa comment ng mga netizens, una nilang hinahanap ay ang kapitan ng lugar. Nasaan nga ba si kap? Ano’ng balak niyang gawin sa mga pasaway na ‘to?
Habang nagkukumahog ang gobyerno sa paghahanap ng paraan upang makalikom ng panggastos sa bakuna at pagpapagamot sa mga nagkakasakit, meron pa ring mga walang pakialam at bahala na kung ma-lockdown at masakripisyo na naman ang kabuhayan.
Siguro kung ganitong hindi na maawat ang mga pasaway at wala ring kakayahan ang mga tserman at iba pang opisyal ng barangay, baka puwedeng palitan na sila.
Hindi lang sa gitna ng pandemya tayo nangangailangan ng responsableng lider kundi araw-araw, sa anumang sitwasyong kinahaharap ng ating bayan.
Kaya sa mga inutil, tamad at pasaway ding kinatawan ng gobyerno, magsilayas na kayo sa puwesto.



Comments