top of page

Mga kahulugan ng iba’t ibang halaga ng pera

  • BULGAR
  • Oct 20, 2022
  • 2 min read

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | October 20, 2022


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni F.G.C.


Dear Maestra,


Isa ako sa masugid na tagasubaybay ng inyong kolum at nais ko ring ipaanalisa ang kahulugan ng aking mga panaginip.

  • Nanaginip ako ng pitong (7) kandila.

  • Nanaginip ako ng P1,000.

  • Nanaginip ako ng P5,500, inipit ko ito sa isang sobre at inilagay sa isang bag, pero hindi ko matandaan kung saan ko inilagay ‘yung bag at hindi ko na mahanap. Tapos, mayroon akong nakatabi na babaeng senior citizen na kagaya ko. Ang sabi niya, mayroon siyang P3,000 sa bag, pero hindi niya binibitawan ang bag niya kahit saan siya pumunta.

  • Nanaginip naman ako ng mga barya na sumabog sa harapan ko, pero ang nakita ko ay 25 sentimo at bagong 25 sentimo.

Umaasa ako na mabibigyan n’yo ng kahulugan ang mga panaginip ko.


Naghihintay,

F.G.C.

Sa iyo, F.G.C.,

  • Ang ibig sabihin ng pitong kandila ay pabago-bago ang isip mo tungkol sa paniniwala mo sa espiritwal. Naguguluhan ka kung ano ba talaga ang tunay na relihiyon at kung saang sekta ka dapat sumali. Ang pito ay sumisimbolo rin sa katas-taasang Diyos, kung saan ginagamit Niya ang bilang na pito sa Kanyang pagpapahiwatig sa tao tungkol sa gawaing espiritwal. Nang ikapitong araw, namahinga Siya matapos likhain ang mundo. Pito rin ang bilang ng mga sakramento. Ang mga halamang gamot ay dapat pito-pito rin ang bilang ng mga dahong ilalaga upang maging mabisang panggamot. Nagpapahiwatig din ito na dapat kang magtirik ng pitong kandila habang nagdadasal upang maliwanagan ang isip mo sa pagpapasya sa anumang bagay na gagawin mo.

  • Ang pera ay nangangahulugan ng prosperity — pag-unlad o pagyaman. Ang P1,000 ay nagpapahiwatig na magkakapera ka, pero mag-ingat ka sa paggastos dahil madali itong mauubos at babalik ka na naman sa wala. Magsisimula ka muli upang kumita ng malaki. Gayundin, singleness ang ipinahihiwatig ng P1,000, kung saan matatagpuan mo ang iyong sarili na nag-iisa, walang karamay, walang kahit isang pumansin sa mga tinulungan mo noong panahon na marami kang pera. Kaya ang maipapayo ko sa iyo ay mag-ipon ka upang hindi ka masadlak sa pag-iisa. ‘Yan din kasi ang ipinahihiwatig ng P1,000, mararating mo ang itaas pero babagsak ka upang magsimula ulit.

  • Ang P5,500 ay nangangahulugan ng pag-a-abroad. Mangingibang-bansa ka upang magtrabaho, pero maraming sagabal at pagkainis kang mararanasan bago matuloy ang pag-a-abroad mo. ‘Yan ang ipinahihiwatig ng inipit mo sa sobre at inilagay sa bag, hindi mo matandaan kung saan inilagay at hindi mahanap. Ang babaeng senior citizen na nakatabi mo ay nagpapahiwatig ng financial success. Ang P3,000 sa bag niya na hindi binibitawan kahit saan siya pumunta ay nangangahulugang yayaman at uunlad ka, pero dadaan ka muna sa mga pagtitiis. Kumbaga sa hagdan, magsisimula ka sa unang baitang bago makarating sa itaas.

  • Ang mga barya na sumabog sa harap mo ay nangangahulugang uunlad ka sa pagnenegosyo, kung saan malaki ang tutubuin mo.

  • Ang bagong 25 sentimo ay nagpapahiwatig na palagi kang magdasal para sa ikauunlad ng negosyo mo. Huwag kang makakakalimot na magpasalamat sa Diyos sa inaani mong tagumpay. Ito rin ay nagpapahiwatig na huwag kang pabago-bago ng desisyon. Kung ano ang una mong pasya, ‘yun ang gawin mo dahil guided ka ng Holy Spirit sa una mong desisyon. Kapag binago mo, hindi maganda ang kauuwian ng lahat.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page