Mga kabataang mahilig sa vape at yosi, bantay-sarado sa PNP
ni Ryan Sison @Boses | May 4, 2023
Nangako ang Philippine National Police (PNP) na paiigtingin ang kampanya laban sa paggamit at pagbebenta ng mga vape o e-cigarette products sa mga menor-de-edad.
Ayon kay PNP Chief Gen. Benjamin Acorda Jr., makikipag-ugnayan ang pulisya sa mga opisyal ng paaralan at mga magulang sa pagpapatupad ng Republic Act 11900 o Vaporized Nicotine and Non-nicotine Products Regulation Act. Layunin nito na protektahan ang mga kabataan laban sa paggamit ng vapes, electronic cigarettes, at maging ang paninigarilyo sa mga paaralan at pampublikong lugar.
Inutusan na umano ng PNP chief ang lahat ng police commanders na pataasin ang police visibility sa lahat ng pampublikong lugar, partikular sa paligid ng mga paaralan at obserbahan ang mga nagbe-vape sa mga no smoking area.
Sa ilalim ng RA 11900, ipinagbabawal ang pagbebenta, promosyon, at pagpapakita ng vaporized nicotine at non-nicotine products o novel tobacco products sa loob ng 100 metro mula sa mga paaralan, palaruan at iba pang lugar na madalas puntahan ng mga menor-de-edad.
Samantala, nilinaw ni PNP Public Information Office chief Col. Redrico Maranan na hindi ikukulong o parurusahan ang mga menor-de-edad o estudyanteng mahuhuling gumagamit ng vape sa mga pampublikong lugar, bagkus, sisitahin, pagbabawalan at paaalalahanan lamang ang mga ito. Habang umaasa naman ang opisyal na magiging katuwang nito ang mga magulang at school officials sa pagpapatupad nito. Gayunman, para sa mga paulit-ulit na sumusuway, maaari umanong kumpiskahin ang vape, lalo na kung menor-de-edad ang mga ito.
Aniya, mayroong umiiral na mga ordinansa na nagbabawal sa mga establisimyento na magbenta ng sigarilyo at vape sa loob ng 100 metro mula sa paaralan. Habang ang mga lokal na pamahalaan ay kailangang makipag-ugnayan sa kani-kanilang nasasakupan upang mag-inspeksyon malapit sa lugar ng mga paaralan.
Ang mga tauhan ng PNP ay kinakailangan namang magsagawa ng regular na pagbisita sa mga paaralan sa kani-kanilang area of responsibility.
Aniya, ang programa ay bahagi ng Oplan Bisita Eskwela kung saan ang mga pulis ay inaatasang makipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay para sa pagbisita sa paaralan.
Tama lang ang layunin ng PNP, lalo na’t maraming kabataan ang nahuhumaling sa mga ganitong uri ng bisyo. ‘Yung iba pa ay hindi alam ng kanilang mga magulang na naninigarilyo o nagbe-vape na ang kanilang mga anak at ang masaklap, sa paaralan pa ginagawa o natututunan ang mga ganitong uri ng bisyo.
At ang iba namang negosyante, walang pakialam sa mga menor-de-edad na bumibili sa kanila, basta ang mahalaga, kumikita sila.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments