Mga kabataan, mas protektado sa Anti-Online Child Sexual Abuse law
ni Ryan Sison @Boses | May 21, 2023
Nilagdaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Justice (DOJ) ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act (RA) 11930 o “Anti-Online na Sexual Abuse o Exploitation of Children (OSAEC) at Anti-Child Sexual Abuse o Exploitation Materials (CSAEM).
Ang bawat bata ay protektado mula sa lahat ng uri ng sexual abuse at exploitation dahil sa Senate Bill 11930, na nag-aamyenda sa Anti-Child Pornography Act of 2009, lalo na ang mga nakatuon sa paggamit ng information and communications technology (ICT).
Gayundin, ang paglagda sa IRR para sa RA 11930 ay naglalayong magkaisa ang lahat ng Pilipino sa pagprotekta sa mga bata mula sa online sexual abuse at exploitation.
Inilarawan ni DSWD Sec. Rex Gatchalian ang paglagda bilang makabuluhang hakbang sa pagkakaroon ng proteksyon ng mga bata mula sa online abuse.
Bilang resulta ng mga factors kabilang ang kahirapan, English proficiency, at malawak na internet access, ang Pilipinas ay patuloy na pangunahing target para sa child exploitation at sexual abuse sa internet, ayon kay DOJ Sec. Jesus Crispin Remulla.
Ayon sa Child Rights Network, ang paglulunsad ng IRR ay nagbabadya ng isang groundbreaking milestone sa paglaban ng Pilipinas sa OSAEC.
Ang IRR ng Anti-OSAEC law ay nagbibigay ng mga detalyadong rekomendasyon kung paano labanan ang OSAEC, mula sa effective reporting hanggang sa matatag na international cooperation.
Samantala, nakasaad din sa IRR ang National Coordination Center laban sa OSAEC at CSAEM (NCC-OSAEC-CSAEM), na pinamamahalaan ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT). Responsibilidad naman nito na lumikha ng mga programa na tutugon sa OSAEC at CSAEM.
Sa panahon ngayon na ang lahat ay may access sa internet, pati mga bata ay hindi na nakakaligtas mula sa malalagim na nangyayari sa online world.
Ang mga ganitong uri ng aktibidad sa mga kabataan ay masasabi natin na nakakalungkot dahil inaalis nito ang kanilang dignidad at pagiging inosente na maaari ring magbigay sa kanila ng trauma.
At ang nakakadismaya na katotohanan ay ilang mga magulang ang handang magbenta ng bata online, kahit sarili nilang anak, at nangangatwiran pa na hangga’t hindi nahahawakan ng mga customer ang mga bata ay hindi ito maituturing na pang-aabuso.
Dapat talaga na humingi tayo ng maraming suporta mula sa gobyerno upang maparusahan ang mga taong gumagawa nito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments