@Editorial | May 30, 2024
Sa kabila ng mga panawagan at panukala, talamak pa rin ang ilegal na sugal online.
Ilang mambabatas na rin ang nanindigan para sugpuin ang online sugal at mga text messages na naghihikayat sa publiko partikular na sa kabataan na magsugal.
Anila, dapat ay limitado ang sugal sa matatanda at ilagay sa lugar kung saan hindi matutukso ang mga menor-de-edad.
Hindi ito dapat accessible lalo na sa mga bata na ipinupusta pati mga baon dahil naaadik na sa sugal.
Mapapansin sa social media na bumabaha ng mga post kaugnay ng online gambling. At may mga influencer pa na nagpo-promote kaya mas lalong nahihikayat ang netizens na magsugal.
Samantala, isang sulat naman ang umano’y ipinadala sa isang major telecommunications company para humingi ng paliwanag kung bakit nagpapadala ng messages sa kanilang mga subscriber at hinihikayat na magsugal.
Ang text messages ay ipinadadala sa lahat ng subscriber kahit pa ito ay menor-de-edad kung saan kinakailangan lamang na i-click ang ibinibigay na link at makakapagsugal na.
Kung hindi man agad ma-ban ang online sugal, sana ay magkaroon ng sapat na safeguards at programa ang gobyerno para mapigilan ang mga kabataang Pinoy sa pagkalulong at maging biktima ng online gambling.
Ang online gambling ay nakakadagdag ng panganib ng cybercrimes tulad ng estafa at identity theft.
Comments