top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Mga iskul at mag-aaral, handa na ba sa 100% F2F classes?

BULGAR
Jun 1, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | June 1, 2022


Sa kabila ng patuloy na banta ng COVID-19 pandemic, inaasahan ng Department of Education (DepEd) na makakabalik sa face-to-face classes ang lahat ng paaralan sa susunod na school year o ngayong Hunyo.


Gayunman, nilinaw ng DepEd na depende pa rin ito sa sitwasyon, lalo na sa regional level, kung saan pinag-aaralan pa rin ang blended learning.


Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, bubuo ng iba’t ibang paraan ang mga regional offices, base sa assessment ng Department of Health (DOH) at local governments sa kanilang lugar.


Base sa datos hanggang noong Mayo 26, mahigit 34,000 o 73% ng mga pampublikong paaralan ang handa sa face-to-face classes, habang may ilang paaralan naman na humihiling na pahintulutan ang mas marami pang grade levels at mga estudyante na lumahok dito.


Samantala, tiniyak ng DepEd na ikokonsidera nila ang pagsang-ayon ng mga LGUs at mga magulang.


Matatandaang unang sinabi ng DOH na malaki ang benepisyo ng face-to-face classes sa kabuuang kalusugan ng mga bata upang ma-develop ang kanilang cognitive at social skills.


Maganda sana kung makakabalik sa face-to-face classes ang lahat ng paaralan sa bansa.

‘Yun nga lang, maraming dapat ikonsidera, lalo na kung pahihintulutan ito ng mga magulang.


Kabilang din sa mga dapat pag-aralan ay ang dami ng mga mag-aaral, guro at non-teaching personnel na bakunado, at siyempre, ang kahandaan ng paaralan na mabantayan at maipatupad ang mga health protocols kontra COVID-19.


Habang nais nating makabalik sa paaralan ang maraming estudyante, sana’y handa tayo sa anumang puwedeng mangyari.


Hindi ito pagiging nega, mas mabuti lang talagang handa kaysa mangapa pagdating ng panahon.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page