Mga holdaper, huwag bigyan ng ligaya sa lansangan

by Info @Editorial | November 5, 2026

Nakaaalarma na ang mga insidente ng panghoholdap.
Sa kalsada, tindahan, at maging sa harap ng sariling bahay, wala nang pinipiling lugar at oras ang mga kriminal.
Sa Quiapo, Maynila, isang barangay kagawad ang tinutukan ng baril ng mga riding-in-tandem at tinangayan ng mahigit P200,000 halaga ng pera at alahas.
Sa Taguig naman, dalawang armadong holdaper ang nangholdap sa isang barber shop at tumangay ng pera at personal na gamit. Mabuti na lamang at naaresto ang mga suspek sa tulong ng CCTV.
Ang mas nakababahala, may mga biktimang natatakot nang magsumbong dahil baka balikan sila ng mga kriminal. Ganito na ba kalala ang sitwasyon na pati ang mga inosenteng mamamayan ay kailangang mangamba sa sariling kaligtasan?
Nasaan ang mahigpit na pagbabantay? Nasaan ang police visibility? Hindi sapat na saka lamang kikilos kapag may nabiktima na.
Dapat dagdagan ang mga police patrol, paigtingin ang operasyon laban sa mga armadong kriminal, at tiyaking mabilis na nadadakip at napapanagot ang mga salarin.
Hindi puwedeng CCTV na lang palagi ang inaasahan para mahuli ang mga holdaper.
Kailangang mapigilan ang krimen bago pa may masaktan o mapatay.
Hindi dapat ang taumbayan ang nagtatago sa takot habang malayang nakakagalaw ang mga kriminal. Panahon nang iparamdam na ang batas ang naghahari sa lansangan, hindi ang mga holdaper!



Comments