Mga hindi pa nagpaparehistro ng SIM, may chance pang magparehistro
ni Ryan Sison @Boses | July 27, 2023
Wala nang extension ang July 25 SIM registration deadline, ngunit ang mga nabigo pa rin sa pagpaparehistro ay binibigyan ng final five-day grace period o hanggang July 30 para muling ma-activate ang kanilang mga SIM na nakasaad sa implementing rules and regulations ng SIM Registration Law.
Ang muling mabibigo sa pag-reactivate sa loob ng limang araw na palugit ay hahantong sa permanenteng pag-deactivate ng SIM.
Ang mga SIM na hindi nakarehistro sa Lunes, Hulyo 31, ay mapuputol ang lahat ng serbisyo, kabilang ang mga incoming at outgoing text message, calls, at mobile data connectivity.
Gayundin, muling iginiit ng National Telecommunications Commission (NTC) sa publiko na wala nang karagdagang extension sa deadline para sa pagpaparehistro ng mga active SIM.
Matatandaang pinalawig ng gobyerno ang orihinal na deadline ng Abril 26, 2023 ng isa pang 90 araw, gaya ng pinapayagan sa ilalim ng SIM Registration Act, upang bigyan ng pagkakataon ang milyun-milyong user na may mga hindi pa rehistradong SIM.
Ayon sa NTC, ang mga hindi nagparehistro ng SIM noong Hulyo 25 ay magreresulta sa pag-deactivate ng telecommunication at mobile data services kabilang ang access sa social media, maliban sa layunin na ma-reactivate ang mga hindi rehistradong SIM, ngunit hanggang Hulyo 30 lamang. Dapat din umanong i-deactivate ang access sa online banking at iba pang online financial transaction/facility.
Kaya naman, sa Hulyo 31, ang lahat ng hindi rehistradong SIM ay permanenteng made-deactivate na.
Panawagan sa mamamayan, irehistro na ang ating mga SIM cards dahil napakahalaga nito bukod sa mababawasan na ang mga nabibiktima ng scam, tayo rin ang mapeperhuwisyo ‘pag sa sandaling ma-deactivate na ang ating SIM.
Napakahabang panahon na ang binigay na palugit sa atin kaya ang mabibigo pa rin na magparehistro ay pasensyahan na lang.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments