Mga Hapones, ramdam ang pagmamahal at pangangalaga ng kanilang pamahalaan
- BULGAR
- Jan 8, 2024
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Enero 8, 2024
Ano ang maiisip mo kapag narinig mo ang salitang Japan?
Kung marinig mo ang salitang Japan sa panahong katatapos lang ng Pangalawang Pandaigdigang Digmaan o World War II (WW II), “kawawa” ang katumbas ng Japan. Dahil sa kanyang pagkatalo sa WW II, kinailangang magbayad ng Japan ng napakalaking halaga sa mga bansang nilusob at sinira nito tulad ng ating bansa.
Malaking gastos at kawalan sa Japan ang naturang “War Reparations.” Subalit, nagbayad at pinangatawanan ng Japan ang kanyang responsibilidad. Habang unti-unti nitong ibinabalik ang dating sigla at lakas ng pagiging industriyalisadong bansa. Hindi rin nagkulang sa kanyang mga obligasyon bilang bansang natalo sa giyera. Kaya’t ang nagsimulang kulelat ay unti-unting bumangon at naging numero uno na naman.
Gayundin sa mahabang panahon, hinahanap ng marami ang mga “made in Japan”. At kung mamimili sa “made in the USA” at “made in Japan” ang pangalawa lagi ang pinipili.
Sa mga nagdaang taon mula sa nakalipas na WW II, ang lahat ng mga malalaking pangalang gumagawa ng mga sasakyan at “heavy equipment” ay gawa sa Japan, tulad ng SUMITOMO, Nissan, Honda, Toyota at marami pang iba. Napakarami na ring mga Pinoy na nagtatrabaho at naging bahagi ng malusog at matatag na industriya ng Japan.
Tila sa paglipas ng halos pitong dekada pagkatapos ng giyera, mula kulelat unti-unting nagsikap ang mga mamamayan ng Japan upang mabago ang kanilang reputasyon.
Ngayon, ang dating kulelat ay masasabi nang numero uno muli.
Sa pinagdaraanang krisis ng ating bansa, magandang pag-aralan at suriin ang pinagmumulan ng lakas at katatagan ng Japan.
At ang bumalandra sa mga balita sa mga unang araw ng Bagong Taon ay Japan. Una, noong pinakaunang araw ng New Year, tinamaan ng lindol (7.5 magnitude) ang bayan ng Shika. Apatnapu’t walo ang kabuuang bilang ng mga nasawi sa lindol. Sa ngayon, ang pangunahing problema ng mga mamamayan ng Shika ay pagkain at tubig.
Napakaraming malulungkot na istorya ng unang araw ng taon. Na habang nagdiriwang ang marami, biglang dinurog ang kasiyahan ng mga pamilya at magkakaibigan ng matinding lindol.
Pangalawa, noon lang nakaraang Martes ng gabi, bandang alas-6, sa Paliparan ng Haneda, Tokyo nagsalpukan ang dalawang eroplano ng Coast Guard at Japan Airlines Airbus A 350. Lima sa mga crew ng eroplano ng Coast Guard ang nawawala, samantalang nakatakas at nakaligtas ang kapitan. At parang milagro na ang buong crew at pasahero ng Japan Airlines o 367 katao ang nakalikas at nakaligtas sa nasusunog na eroplano.
Totoo, numero uno ang Japan, ngunit hindi protekyon ito sa trahedya at sa mga hindi inaasahang sakuna. Magandang pag-aralan hindi lang ang kahanga-hangang “work ethic” ang kultura ng paggawa ng mga Hapones, kundi kung paano sila matuto at magbago dahil sa mga trahedya at sakuna.
Hindi na bago para sa mga Hapones ang mga lindol, tsunami, sunog, guho, landslide, at iba pa. Ngunit, sa gitna ng lahat ng mga pangyayaring ito, meron bang ginagawang kakaibang pagproseso ng mga negatibo at traumatikong karanasan ang mga Hapones?
Hindi ko ito masasagot ngayon, pero magandang pag-aralan at tingnan natin ang aspetong ito ng isang malapit at maaasahang kaibigang bansa.
Noong nangyari ang lindol saTohoku na lumikha ng malalaki at matitinding tsunami noong Marso 11, 2011, nag-alala kami sa kapakanan ng aming pinsan na nakatira sa Sendai na bahagi ng distrito ng Tohoku.
Nang nakokontak na naman ang aming pinsan, masaya pa itong sumagot sa amin at nagbalita, ligtas ang aking 11 na pusa. Naiakyat ko sa mas mataas na bahagi ng building.
Handa ang siyudad namin sa anumang sakunang parating. Merong mga nakaimbak na “emergency food, medical, survival supplies sa iba’t ibang bahagi ng siyudad”. Kailangan lang naming magtungo sa pinakamalapit na “emergency centers” para kumuha ng aming mga pangangailangan. Hindi kami pinababayaan ng aming pamahalaan. Malayo pa ang trahedya, handa na sila anumang kakailanganin sa pinakaunang dagsa ng mga nangangailangan.
Ano pa man ang dahilan ng lakas at tatag ng mga mamamayang Hapones, isa nang napakalinaw sa mga ito ay ang pakiramdam at karanasang mahal kami at hindi kami pababayaan ng aming pamahalaan.








Comments