Mga hakbang ng gobyerno, dapat pakinabang ang dala at ‘di pagdurusa

ni Ryan Sison - @Boses | November 29, 2020
Malalayong u-turn, sayang na gasolina, oras at pagod, ilan lang ‘yan sa reklamo ng mga motoristang dumaraan sa EDSA.
Bagama’t nakikita naman ng mga awtoridad ang hirap ng mga tsuper at komyuter, patuloy pa rin ang pagsasara ng mga u-turn slot para bigyang-daan ang EDSA busway.
Gayunman, hindi lang mga motorista ang nagdudusa dahil ngayon, apektado na rin ng matinding trapik na idinulot ng pagsasara ng u-turn slot sa EDSA-Balintawak ang ilang negosyo.
Ang isang may-ari ng kainan, dumaraing dahil oras ang inaabot sa kalsada kung mamalengke sa Balintawak market.
Gayundin, naaantala ang paghahatid ng paninda sa Balintawak market dahil kung noon, 30 minuto lang ang inaabot ng biyahe mula Commonwealth, ngayon ay umaabot ng 2 oras, at dahil dito, hirap na silang makabenta.
Giit ng nagde-deliver, hindi puwedeng ma-late ang produkto dahil maaari itong mabulok o mahinog agad, kaya kailangang on-time ang biyahe ng mga truck.
Dahil dito, tumutulong ang Philippine National Police - Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa pagsasaayos sa trapiko, lalo na’t dito nagmumula ang trapiko ng mga nanggagaling ng North Luzon Expressway (NLEX), A. Bonifacio at Quirino Avenue.
Habang pinag-aaralan ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang posibleng rerouting scheme at mitigation measures para maibsan ang trapiko sa ma apektadong lugar, nagdagdag naman ng traffic enforcer, ayon sa alkalde.
Matatandaang, plano ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magtayo ng elevated busway sa EDSA.
Sa totoo lang, hindi nakita ng mga nagpapatupad ang ganitong epekto ng mga pagbabagong inilatag sa publiko.
Nakadidismaya dahil ‘yung iba sa kanila, sa maliit na negosyo na lang umaasa, pero palpak pa dahil sa matinding trapik. Sa halip na mabilis ang proseso ng kabuhayan, lalong bumabagal dahil sa kapalpakan. Tsk!
Pakiusap sa mga kinauukulan, pag-aralang mabuti ang mga susunod na hakbang dahil kung puro ganito ang mangyayari, paano na ang mga ordinaryong mamamayan?
‘Ika nga, ‘di ngayon ang panahon para mag-eksperimento. Kung may gustong ipatupad, tiyaking makikinabang ang lahat. Hindi ‘yung ginhawa para sa ilan, tapos pagdurusa para sa karamihan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments