top of page

Mga guro, dapat positibong disiplina sa makukulit na estudyante

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 25, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 25, 2024


Isang guro na naman ang napabalitang nanakit umano ng kanyang estudyante.


Gayunman, agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang Department of Education (DepEd) sa Central Visayas tungkol sa kumalat na video sa social media ng umano’y paninipa ng isang guro sa kanyang estudyante habang pinapagalitan ito.


Ayon kay DepEd Central Visayas Director Salustiano Jimenez, inatasan na niya ang Cebu City Division na imbestigahan ang pangyayari, kung saan nakuhanan sa isang cellphone video na sinisipa ng guro ang estudyante habang pinapagalitan, at nai-share ng isang netizen sa socmed. Nangyari umano ang insidente sa isang eskwelahan sa Cebu noong Pebrero 16.


Sinabi ni Jimenez na sa sandaling mapatunayang naganap ang naturang insidente ay maaaring maharap ang guro sa kasong administratibo at mabawian ng lisensya.


Binanggit naman ng opisyal na hindi nila kailanman pinapayagan ang pagpapataw ng anumang corporal punishment sa mga mag-aaral. Lagi aniya nilang binibigyang-diin ang positibong disiplina sa kanila. Gayundin, kailangang itama ang mga ito, hindi sa pamamagitan ng puwersa o pisikal na parusa kundi sa ibang anyo ng pagdidisiplina.


Sa ngayon ay hindi muna pinapasok ang nasabing guro habang patuloy ang kanilang imbestigasyon.


Tila nauulit ang mga katulad na insidente noon ng pananakit ng guro sa kanyang estudyante. Hindi ba’t kailan lamang ay napaulat na isang titser ang nanampal umano ng mag-aaral?


Alam naman natin na mahirap talaga ang ganitong klase ng propesyon, subalit bilang mga guro may mga sinumpaan din kayong tungkulin, kung saan kabilang dito ang pangangalaga sa bawat mag-aaral na inyong hinahawakan.


Batid din ng lahat na mayroon tayong batas at mariing ipinagbabawal ang pananakit hindi lang sa mga kababaihan kundi sa mga bata, habang ang paglabag dito ay may kaparusahan.


Payo lang sana natin sa mga guro, na kung umaabot sa puntong hindi na makapagpigil sa kakulitan o katigasan ng ulo ng estudyante ay iwasang komprontahin ito at bigyan ng break ang buong klase, habang piliing lumabas muna ng klasrum para magkaroon ng oras ang sarili na kumalma at makapag-relax.


Dagdagan din sana natin ng napakaraming pasensya ang araw-araw na pagpasok sa eskwelahan dahil talagang hindi maiiwasan ang ganitong klase ng sitwasyon.


Sa ating mga estudyante, huwag sana kayong maging pasaway. Dapat na ituon na lamang ninyo ang isip sa pag-aaral para rin ito sa inyong kinabukasan.


Sa kinauukulan, sana ay agad na maresolba ang nangyari at tutukan natin ang kalagayan ng ating mga guro habang patuloy silang isailalim sa training bago payagan talaga na makapagturo.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page