top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Mga guro, dapat magsanay ulit para sa tamang pagtuturo

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 14, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 14, 2023


Isang modelo at pangalawang magulang, ganyan ituring ng mga estudyante ang kanilang mga guro. Subalit, paano kung kabaligtaran pala ang lahat ng ito para sa kanila?


Nitong mga nakaraang araw, naiulat na iniimbestigahan ng Department of Education (DepEd) ang tungkol sa sinasabing pamamahiya umano sa dalawang high school students sa Cebu City matapos akusahan ang mga itong nagkopyahan sa periodical exam ng kanilang guro.


Kinunan pa umano ng guro ang ginagawang panenermon sa mga naturang estudyante at saka ito ipinost online. Gayunman, isa sa mga estudyante ay itinanggi na nangopya ito.


At sa takot na ma-bully, nagpasya na lang itong manatili sa bahay habang hindi na umano ito makatulog dahil sa insidente. Hindi rin daw batid ng estudyante na naka-video pala ang pangyayari at ini-upload pa ito ng guro sa TikTok.


Katwiran ng isang magulang, sana ay ipinatawag na lang sila sa paaralan at kinausap dahil dito.


Batay sa principal ng paaralan, nais lang daw ng naturang guro, na ilang araw na ring hindi pumasok sa trabaho, na ipaalam na masama ang pangongopya, pero aminadong mali ang naging paraan nito.


Ang propesyon na maging guro ay hindi madali. Dumaan sila sa maraming training, pag-aaral at kumukuha ng board exam o licensure exam sa Professional Regulation Commission (PRC) para lamang makapagturo.


Hindi lingid sa atin na sa kabila ng marami sa kanila ay may mabababang sahod pero naroon pa rin ang kanilang passion kaya patuloy sila sa pagtuturo.


Subalit, tila nalilimutan na nila na kasabay ng kanilang pagtuturo ng mga aralin at akademya, kaakibat nito ang pagtuturo rin ng mabuting-asal.


Sa halip din na pataasin ng ilang guro ang morale ng kanilang mga estudyante ay sila pa ang nagpapababa nito.


Marahil, panahon na para magbalik-tanaw ang ating mga guro sa kanilang mga unang naging pagsasanay. Kailangan na rebyuhin nang mabuti ang tamang pagtuturo para mas matuto at humusay pa ang mga estudyante.


Sa ating mga estudyante, maging matapat lagi sana kayo sa inyong pag-aaral dahil kayo rin ang makikinabang nito pagdating ng araw.


Sa kinauukulan, patuloy na ipaalala sa mga guro na dapat nilang sundin ang mga itinatakdang polisiya, lalo na ang pagbibigay ng proteksyon sa mga bata.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page