Mga drayber, palagi magbaon ng pasensya at konsensya
- BULGAR
- Nov 23, 2022
- 1 min read
@Editorial | November 23, 2022
Nakababahala ang ulat na 1,670 kabataan ang namamatay sa aksidente sa kalsada kada taon.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang mga biktima ay pawang nasa edad 1 hanggang 19.
Batay sa datos mula sa PSA, nitong Setyembre 2022 lamang ay isang 4 na taong gulang na babae ang nasawi at tinakbuha pa ng naka-SUV sa Maynila, habang binawian din ng buhay ang 4-anyos na bata at kanyang ama nang sumalpok sa isa pang sasakyan sa South Cotabato.
Maaaring hindi maiiwasan ang aksidente dahil wala namang may gusto na may mangyaring masama pero, may pagkakataon na puwedeng maging mas maingat.
Palaging magbaon ng pasensya at konsensya. Kung masama ang pakiramdam, huwag magmaneho. Kung may sira ang sasakyan, huwag nang ipilit na ilabas at palaging magdasal na gabayan tayo habang nasa kalsada. Idalangin natin na hindi tayo mapahamak at hindi makapanakit ng iba.
Halimbawa, sa pagmomotor, kapansin-pansin na marami talagang 'kamote', mga pasaway. Walang maayos na helmet, higit sa isa ang angkas, pati sanggol kasama, nagpipilit bumiyahe kahit puyat, pagod o lasing.
Ganundin ang ibang drayber — kotse, jeep, bus, trak at iba pa. Kapos ang kaalaman sa batas-trapiko kaya nasasangkot sa aksidente.
Bukod sa mga sasakyan at drayber, damay na rin ang mga traffic enforcer na inaasahang kaisa sa pagpapanatili ng maayos at ligtas na lansangan at hindi bantay-salakay.
Panawagan din sa gobyerno, ayusin ang mga kalsada, kaunting ulan, may butas, lubak at hukay pa. Gamitin ang pondo nang maayos.
Sa huli, lahat naman tayo ay makikinabang. Pangalagaan natin ang mga kabataan, iiwas natin sila sa masamang sitwasyon sa kalsada.



Comments