Mga deboto, ‘wag pasaway sa Traslacion
@Editorial | Enero 8, 2024
Kasabay ng pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno, nagbaba na ng kautusan ang pamahalaang lungsod ng Maynila para sa liquor at firecracker ban.
Batay sa Executive Order No. 1 Series of 2024 na nilagdaan ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan, ang liquor at firecracker ban ay epektibo simula ngayong araw, Enero 8 hanggang 10.
Ibig sabihin, ang pagkonsumo at pagbebenta ng anumang uri ng nakalalasing na inumin at mga paputok ay mahigpit na ipinagbabawal sa lungsod. Kaya, awat muna sa mga ‘debote’.
Ang kautusan ay epektibo sa paligid ng Quiapo partikular sa lugar na sakop ng 500-meter radius ng Quiapo Church.
Alam naman natin na ang kautusan ay para mapanatili ang kapayapaan sa pagdaraos ng Pista ng Itim na Nazareno. Minsan lang sa isang taon ang pagdiriwang, sana gawin natin ito nang masaya at ligtas.
Iwasan nating maging perhuwisyo, dahil sa huli tayo rin ang malalagay sa alanganin.
Kung hindi maiiwasan ang kasiyahan, gawin pa rin natin sa maayos na paraan.
Puwedeng magdiwang nang walang inaabala o ginugulong kapwa, disiplina lang ang kailangan.



Comments