Mga dayuhang wanted, ginagawang taguan ang ‘Pinas
ni Ryan Sison @Boses | March 22, 2023
Paiigtingin pa ng mga awtoridad ang paggalugad at pagkalap ng mga intelligence report sa malalayong lalawigan dahil ginagawang taguan umano ito ng mga dayuhang wanted sa kanilang mga bansa.
Ito ang iniutos ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco sa kanyang mga tauhan habang nag-deploy na rin ng mga regional intelligence officers kasabay ng muling paglunsad ng kanilang helpline ang Immigration Helpline PH 24/7, upang i-track ang maraming foreign national na tinatawag na mga undocumented o overstaying na sa bansa.
Si BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan Jr. ang inatasan naman ni Tansingco upang personal na alamin ang mga report hinggil sa mga dayuhang nagtatago sa lugar sa mga lalawigan na mahirap puntahan o mga far flung areas.
Sinabi naman ni Tansingco, marami na rin ang nahuhuling dayuhan na nasa bansa at lumalabas na ang mga ito ay overstaying, walang kaukulang dokumento at illegal aliens habang ang iba ay wanted pa sa kanilang mga bansa, na maaaring dito na nagtatago sa Pilipinas.
Kabilang dito ang nadakip na isang Indian national na si Harpreet Singh, 34-anyos, noong Pebrero 28 sa Agoo, La Union, na overstaying na sa bansa ng higit sa 4 taon, na unang dumating sa Pilipinas noong Pebrero 2018.
Gayundin, nahuli ng mga intelligence operatives ang 5 Chinese sa isang bodega sa may Biñan, Laguna. Napag-alaman na ang mga ito ay walang dokumento, overstaying at nagtatrabaho nang walang kaukulang papeles na itinuturing na paglabag sa Philippine Immigration Act of 1940.
Pahayag ni Tansingco, pinalawig na rin nila ang saklaw ng kanilang helpline upang makalap ang mga anonymous reports mula sa publiko kaugnay ng mga illegal aliens na maaaring nagtatago sa kanilang mga lugar. Aniya pa, ang social media ang makapangyarihang instrumento at maaaring gamitin para makakuha ng mahahalagang impormasyon na posibleng makatulong para mapaalis na sa bansa ang mga foreign nationals na inaabuso ang ating hospitality.
Tama lamang ang ginagawa ng mga kinauukulan na masidhing paggalugad sa mga liblib na lugar, lalo na sa mga probinsya na mahirap puntahan para hanapin ang mga itinuturing na illegal aliens o nagtatagong dayuhan sa ating bansa.
At sakali namang mahuli ang mga ito, marapat din na agad ipa-deport sa kanilang mga bansa at ilagay na blacklisted upang hindi na ito makapasok at makabalik sa Pilipinas.
Sa ganitong paraan, maiiwasan din ang posibleng krimen na gagawin ng mga naturang dayuhan sa ating mga kababayan.
Dapat din sigurong makiisa rito ang taumbayan upang patuloy na maging maayos at tahimik ang ating pamayanan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments