Mga dapat iwasan ng bebot na gustong magtagumpay sa abroad
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Numero | Enero 30, 2023
Dear Maestro,
Kasalukuyan akong nag-a-apply sa abroad bilang domestic helper o DH. Gusto kong malaman kung ano ang magiging kapalaran ko sa ibang bansa?
Sa love life naman, may boyfriend ako, hindi pa kami kasal, pero nagsasama na kami.
May 14, 1990 ang birthday niya at may dalawa na kaming anak, habang September 10, 1991 naman ang birthday ko.
Gusto ko ring malaman kung magtatagal ba ang aming pagsasama kahit hindi pa kami kasal, at siya na ba ang lalaking makakasama ko habambuhay? Gayudin, uunlad ba ako sa pag-a-abroad kong ito at maiaahon ko sa kahirapan ang aking mga magulang at makakabili ng sariling bahay at lupa kung makakaipon na ako habang nagtatrabaho sa ibang bansa?
Umaasa,
Dora ng Santor, Bongabon, Nueva Ecija
Dear Dora,
Ang birth date mong 10 o 1 (ang 10 ay 1+0=1) sa destiny number na 3 (9+10+1991=2010/ 20+10=30/ 3+0=3) at zodiac sign na Virgo ang nagsasabing makakapag-abroad ka, kung saan ang nasabing pangingibang-bansa ay lubhang magiging produktibo at masagana.
Kaya lang, ang destiny number mong 3, sa birth date na 1 ay nagbababala rin na hindi ka makakaiwas sa isang lalaking Leo o Libra na may pananagutan na sa buhay.
Ibig sabihin, sa mga susunod mong pangingibang-bansa, posibleng makakilala ka ng lalaking Leo o Libra at sa sandaling hindi mo siya nagawang layuan o iwasan, tiyak na kahit may live-in partner ka ngayon, mapapalautan ka ng nasabing lalaki sa pag-aakala mong tapat ang pag-ibig niya sa iyo.
Sa bandang huli, tulad ng nasabi na, ipapahamak ka ng nasabing lalaking Leo dahil posibleng mabuntis ka niya sa ibang bansa. Kapag nangyari ito, mawawalan ka ng magandang career o hanapbuhay, hanggang sa tuluyan kang mapauwi sa Pilipinas at dito mo na rin palalakihin sa lihim na lugar ang magiging bunga ng inyong pagmamahalan.
Ang buong akala mo ay pananagutan ng naturang lalaki ang anumang mangyayari sa inyong relasyon, ngunit sa bandang huli, hindi rin kayo magkakatuluyan. Kapag nangyari ito, muli kang tatanggapin ng live-in partner mo na isinilang sa zodiac sign na Taurus, na may birth date na 14 o 5 (ang 14 ay 1+4=5).
Sa ikatlong pagkakataon, muli kang makakapag-abroad at muli kang mahuhulog sa tukso, ngunit kung iiwasan mo ito, magtatagumpay ka na sa nasabing pangingibang-bansa. Gayunman, kung mahuhumaling ka na naman sa nasabing mga lalaki, higit lalo silang mga isinilang sa zodiac sign na Leo, Libra at Sagittarius, tulad ng naipaliwanag na, papangit ang maganda mong career at pangarap na umunlad sa pangingibang-bansa.
Kaya, Dora, sa sandaling natuloy ka sa abroad, wala kang dapat gawin kundi iwasan nang todo ang mga lalaking isinilang sa zodiac sign na Leo, Libra at Sagittarius, isama na rin natin ang Aries, higit lalo kung ikaw ay may mga nunal sa dibdib – ito ay malinawanag na senyales na ang magiging ‘downfall’ mo ay ang mga hangal na pakikipagrelasyon sa nabanggit na mga lalaki.
Ngunit kung sa simula pa lamang ng iyong pangingibang-bansa ay naiwasan mo na ang mga tukso ng pakikipagrelasyon sa mga hindi karapat-dapat na lalaki, tulad ng nabanggit, marami pang pangingibang-bansa na naghihintay sa iyong kapalaran, na siguradong aani ng mga kasagaaan sa iyong buhay.
Ayon sa iyong Travel Calendar, ang mga pangingibang-bansa na nabanggit ay inaasahang magaganap at tuloy-tuloy nang itatala sa iyong karanasan sa taon ding ito ng 2023 at sa edad mong 32 pataas.




Comments