Mga dapat gawin ng kambal para parehas suwertehin
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Numero | October 03, 2023
DearMaestro,
Ang itatanong ko ay tungkol sa kapalaran ng aking kambal. May kakambal ako, at hindi sa pagmamayabang, may maayos at magandang buhay ako habang ‘yung kakambal ko ay kabaligtaran.
Hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral at minsan lang gumanda ang kanyang buhay, ngunit pumangit din muli. Wala pa siyang pamilya at regular na hanapbuhay, umaasa lang siya sa aming magkakapatid.
Ang pinagtataka ko lang ay bakit ganu’n? Pareho kami ng araw ng kapanganakan, zodiac sign, at halos pareho rin kami ng oras ng kapanganakan. Pero, bakit magkaiba ang aming kapalaran? Hindi ko na ilalagay ang birthday namin kasi maraming nakakakilala dito sa amin at marami ring nagbabasa ng dyaryo ng Bulgar dito.
Umaasa,
Peter ng Cainta, Rizal
Dear Pater,
Madalas mangyari ang iyong problema, Peter. ‘Yun bang matatagpuan ang isa na may maluwag at maayos na pamumuhay, habang ang isa naman ay palpak at tila naghihikahos sa buhay. Kung saan, ang madalas na ginagawang solusyon d’yan ng mga matatanda noong araw ay pinaghihiwalay ‘yung mga kambal. Kumbaga, dapat nasa abroad o malayong lugar ang isa sa inyo upang hindi kayo naghahatakan ng kapalaran.
Samantala, libu-libong taon na ang nakakaraan mula ng maimbento ang sining at siyensya ng Astrolohiya, ‘yung tanong na nais mong malaman ay hindi pa rin nasasagot ng sakto at tumpak.
Ayon naman sa tanong mong bakit magkaiba kayo ng kapalaran? Pag-inobserbahan mo kasing mabuti ang mga kambal, sa aktuwal na buhay na pinapanood n’yo. Kapag nakakita kayo ng kambal sa inyong lugar, kadalasan ang makikita n’yo ay isang kambal na bigo habang ‘yung isa ay successful.
Sa ganitong pangyayari, waring daplis o mali ang sinasabi ng mga bituin at mga numero, ‘yun naman ay kung Astrolohiya at Numerology ang pagbabatayan, na hindi naman tayo sumasandaig sa dalawang sangay na kaalaman na nabanggit. Bagkus, bukod sa Astrology at Numerology ina-apply din natin ang psychological analysis, guhit ng palad, signature, hugis ng mukha, at marami pang iba na siya namang isinusulat natin sa mga librong nailathala na natin.
Pero, bakit nga ba magkaiba ang kapalaran ng mga kambal? Ayon sa masalimuot na paliwanag na mahirap maintindihan. Pero, intindihin n’yo na rin, ang kambal ay iisang manipestasyon ng dualismong puwersa. Ibig sabihin, iisa sila pero dalawa ang puwersa o energy - isang puwersang negative at positive. Sa sandaling ipinanganak ang kambal, ang dalawang puwersa o enerhiya ay paghahatian nilang dalawa.
‘Yung isang bigo sa buhay ang nakasapo ng negatibong puwersa habang ‘yung isa naman ang nakasapo ng positibong puwersa, Ito ang dahilan kung bakit may mga kambal na nabibigo at nagtatagumpay.
Ganyan ang paliwanag ng librong Myths of Masculinity ni William G. Doty na nagsasabing, kapag pinag-aralan mo ang kuwento tungkol sa mga magkakapatid na hango sa mga mitolohiya, mapapansin mong ang isa sa mga kambal ay luku-loko habang ‘yung isa naman ay matino.
Ayon kay Doty, sa pamilya, ‘di nawawala ang mabait at walang hiya. Kadalasan, ang mababait na anak ay ang ikalawa habang ang panganay na anak ay siyang masama.
Katulad ng kuwento sa Bible, ‘yung isa ay nananatili lang sa bahay habang ang isang kapatid ay lumayas. Noong bumalik ‘yung naglayas, tuwang-tuwa ang ama. Samantalang labis na pagkaselos at paninibugho naman ang naramdaman noong kapatid na hindi naglayas at nanatili lang sa kanilang mga magulang.
Sa madaling salita, magkatumbalik ang kapalaran ng mga kambal. Halimbawa, ang panganay ay bigo, habang ang ikalawa ay tagumpay sa buhay. Basta’t magkasunod na anak, katulad din ng kambal. Kadalasan, ang isa ay matagumpay na sa buhay habang ang isa ay bigung-bigo.
Sa katunayan, sadyang nagdadaigan ng kapalaran ang mga kambal o magkakapatid at kung sino ang manalo sa daigan na nabanggit ay siya ang magtatagumpay habang ‘yung isa naman ay habambuhay nang aalipinin ng kabiguan.
Ito rin ang dahilan kung bakit pinaghihiwalay ang kambal, gayundin ang dalawang magkasunod na anak, upang maiwasan ang ganitong mga pangyayari.
Ang pagdadaigan ay may negatiboat positibong puwersa na nasasagap at pumapaloob sa pagkatao ng magkapatid.
Kaya nga, kapag may kakambal ka at napansin mong tumbalik ang inyong kapalaran, ngayon pa lang ay subukan mo nang lumayo sa kanya. Kapag ganito ang ginawa mo, dahil malayo kayo sa isa’t isa, darating ang araw na muli kayong magkikita, at sa oras na ‘yun kapwa na kayo successful at habambuhay na kayong magiging maligaya.




Comments