Mga dapat gawin ng binatang may weak number para makasampa sa barko
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Numero | April 13, 2023
Dear Maestro,
Gusto kong malaman kung may pag-asa ba akong makasampa sa barko ngayong taon at sa paanong paraan ito mangyayari? Matagal na kasi akong nag-a-apply sa barko, pero laging nabubulilyaso.
Isinilang ako noong March 16, 1998, may kaugnayan ba ang weak number kong 16 o 7 kaya hindi ako makasampa-sampa sa barko?
Sana ay maanalisa n’yo ang aking kapalaran at mapayuhan n’yo ako ng mga dapat kong gawin upang suwertehin naman ako sa buhay, lalo na sa career.
Umaasa,
Mr. Pisces ng Maligaya, Dolores, Quezon
Dear Mr. Pisces,
Ang ibig sabihin ng numero mong 16 o 7 (ang 16 ay 1+6=7) ay mahina ang loob, kaya nabubulilyaso ang pag-a-apply mo sa barko.
Ang mga isinilang kasi sa petsang 7, 16, 25, 2, 11, 20, at 29 ay tinatawag na weak number o may mahinang personalidad. Kaya kadalasan, ang kanilang kapalaran ay paasa-asa lang sa ibang puwersa o lakas, at nagkataon pang Pisces ang iyong zodiac sign, na isa ring mahina at maramdamin o may pagka-emosyunal na zodiac sign.
Ang totoo nito, natutulad ang inyong kapalaran sa isang dahon na nahulog sa batis.
Habang tangay-tangay ng alon ang nasabing dahon, kung saan-saang batuhan lang siya dinadala ng kapalaran, hanggang sa tuluyang malanta, madurog at matunaw.
Subalit, magbabago lamang ang mala-negatibong kapalarang ito ng mga taong nagtataglay ng weak number sa sandaling nagkaroon sila ng kaibigan, bestfriend, partner o asawa na may strong personality. Ang nagtataglay ng strong personality ay kadalasang may birth date na strong number tulad ng 1, 10, 19, 28, 8, 17 at 26, at may malaman at makapal na palad sa sandaling sinalat. Ang nasabing mga nilalang ang mag-aahon sa dahon na tinatangay-tangay ng alon sa batis upang tuluyan siyang umunlad at magkaroon ng pangarap at layunin sa buhay.
Basta tandaan mo, may ibang puwersa o lakas na tutulong sa iyo upang magbago at gumanda ang iyong kapalaran. At tulad ng nasabi na, ang ibang mga puwersa o lakas na ito ang makakatulong sa iyo upang mas madali mong matupad ang anumang pangarap mo sa buhay.
Halimbawa, makakapag-abroad at iba pang undertaking mo sa iyong career at love life ay ang mga taong naiimpluwensyahan ng strong number. Kaya sila ang hanapin mong backer o taga-follow-up ng iyong mga papeles at sa ganu’ng paraan, mas madali kang makaalis at makapag-abroad, higit lalo kung ang nasabing mga tao ay under sa zodiac sign na Capricorn, Virgo, Leo, Libra, Cancer, Scorpio at kapwa mo Aries.
Bukod sa kulay na berde, mapalad ka rin sa kulay na dilaw na dapat mong isuot tuwing may lalakarin kang mahalagang bagay. Ang berde at dilaw ay puwede mo ring isuot sa panahon ng panliligaw o kapag may date kayo ng girlfriend mo upang higit na maging paborable sa iyong kapalaran ang nasabing araw.
Samantala, ayon sa iyong Career Calendar, na kinumpirma ng iyong Travel Calendar, sundin mo lang ang mga rekomendasyong inilahad at makikita mo na ngayong 2023 at sa buwan ng Mayo o Setyembre, may mabunga at mabiyayang paglalakbay sa karagatan na itatala sa iyong karanasan, na magiging simula ng katuparan ng malaon mo nang pangarap na maging ganap at successful seafarer.




Comments