top of page

Mga dapat gawin kung makararanas ng side effects pagkatapos maturukan ng COVID-19 vaccine

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 18, 2021
  • 2 min read

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | January 18, 2021



Marami ang natakot nang may mapaulat kahapon na 23 sa mga 80-anyos pataas na mamamayan ng Norway ang nasawi matapos na makatanggap ng unang shot ng COVID-19 vaccine na umano'y ang BioNTech na bakuna ng Pfizer ang ginamit.


Ang paliwanag naman ng mga eksperto ng Center for Disease Control o CDC ng U.S. ang COVID-19 vaccination ay magbibigay proteksiyon laban sa coronavirus disease. Totoong may mga side effects, na normal daw na senyales na ang katawan ay bumubuo ng malakas na proteksiyon. Ang mga side effects na ito ay nakaapekto sa mga pang-araw-araw nating gawain, pero sa mga susunod na ilang araw lang ay mawawala na ito.


Ang karaniwan daw na side effects sa braso na tinurukan ay masakit at namamaga. Ang buong katawan naman ay lalagnatin, giginawin, parang hapung-hapo at masakit ang ulo.


Makakatulong daw ang sumusunod na kung may pain o discomfort ay tawagan agad ang iyong doktor kung ano ang puwedeng inumin na gamot, tulad ng ibuprofen o acetaminophen.


Para mabawasan ang pain at discomfort pagkaraang maturukan: Maglapat ng malinis, malamig at basang towel sa braso. Galaw-galawin ang mga braso o kaya ay ehersisyuhin.


Upang mabawasan naman ang lagnat: Uminom ng maraming tubig at manamit ng magaan sa katawan. Sa maraming kaso, normal lang ang lagnat at sakit na mararamdaman sa braso. Pero kinakailangan nang tawagan ang doktor kung mas lumala ang pamumula at pamamaga ng braso matapos ang 24 na oras.


Kumunsulta na rin sa doktor kung labis kang nag-aalala sa iyong nararamdamang side effects at hindi nawawala ang pamamaga at sakit sa susunod na mga ilang araw.


Kung nagpa-COVID-19 vaccine ka at alam mong may malubha kang allergy reaction makaraang lisanin ang vaccinate site, agad na sumangguni sa doktor.


1. Tandaan na ang side effects ay parang trangkaso at halos hindi mo magawa ang daily activities, pero sa mga susunod na ilang araw ay mawawala rin ito.

2. Ang COVID-19 vaccines ay kinakailangan ng 2 shots para maging ganap na epektibo. Dapat masundan ng ikalawang turok kahit na may mga side effects na naranasan sa unang shot, maliban na lang kung sinabi ng iyong doktor o ng vaccination provider na huwag ka nang magpa-second shot.


3. Maghintay ng sandaling panahon para bumuo ng proteksiyon ang vaccine sa iyong katawan. Kailangan talagang sumailalim ka sa 2 shots ng COVID-19 hanggang sa mabigyan ka na nito ng proteksiyon sa susunod na isa o dalawang linggo laban sa mapaminsalang virus.


Pakatandaan pa rin na mahalaga na maging responsable pa rin ang bawat isa na makaiwas na makapitan ng pandemya habang hinihintay pa natin ang magiging tamang epekto ng COVID-19 vaccine sa ating katawan. Panatilihin pa rin ang pagsusuot ng facemask, face shield, dumistansiya sa tao ng isang metro, umiwas sa matataong lugar at hugasan nang palagian ng sabon at malinis na tubig ang mga kamay.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page