Mga DA officials at mga trapong Cong., kapag umaksyon, laging huli!
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | Enero 28, 2023
SA MULING PAGBUHAY NG KASO SA ICC, TIYAK KAKABA-KABA NA NAMAN SINA EX-P-DUTERTE, SEN. DELA ROSA AT VITALIANO AGUIRRE — Inaprubahan ng mga mahistrado ng International Criminal Court (ICC) ang hirit ni ICC-Prosecutor Karim Khan na buksan muli ang bloody drug war ng nakaraang Duterte administration na may kaugnayan sa libo-libong biktima ng extra judicial killings sa mga pinagsususpetsahang mga sangkot sa droga sa Pilipinas.
Hindi man aminin, tiyak kakaba-kaba na naman sina ex-P-Duterte at Senator, ex-PNP Chief Gen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa at former Justice Sec. Vitaliano Aguirre kasi silang tatlo ang mga pangunahing sinampahan ng kasong crimes against humanity sa ICC, at kapag guilty ang naging hatol sa kanila at sila ay natimbog, pagkabulok sa ICC jail sa Netherlands ang aabutin nila, boom!
PABIDA NG MGA DA OFFICIALS AT MGA TRAPONG CONG., LATE NA! — Inumpisahan na ng Kongreso ang imbestigasyon patungkol sa sobrang pagtaas sa presyo ng sibuyas sa bansa.
Hay naku, itong mga kongresistang trapo (traditional politicians) ay parang mga opisyal ng DA (Department of Agriculture), late na kapag umaksyon para magpabida sa publiko.
Kung totoo kasing may malasakit sa mamamayan ang mga DA officials at mga kongresistang trapo, dapat noong kapos sa suplay ng sibuyas last year ay sana noon pa nag-import at hindi kung kailan panahon ng anihan ng sibuyas ay saka sasabayan ito ng pag-aangkat ng mga imported onions. At itong mga trapong cong., kung kailan pababa na ang presyo ng sibuyas at saka magpapabida sa imbestigasyon na may kaugnayan sa pagtaas sa presyo ng mga sibuyas, mga pwe!
KAPAG PRODUKTONG PAGKAIN ANG KINAPOS NG SUPPLY, KABUNTOT NIYAN AY TAAS-PRESYO — Ngayong bumaba na ang presyo ng sibuyas, may posibilidad na ang presyo ng bawang naman ang tumaas.
Mismong DA officials na kasi ang nagsabi na kinakapos na naman ng supply ng bawang ang Pilipinas, eh alam nating lahat na kapag ang produktong pagkain ay kinapos ang supply, ang kabuntot niyan ay pagtaas ng presyo, tsk!
SA PAGBABA NG INFLATION RATE DAPAT MAGPOKUS ANG GOBYERNO AT HINDI SA MAHARLIKA INVESTMENT FUND — Sabi ni Sen. Risa Hontiveros, hindi dapat sa Maharlika Investment Fund (MIF) ang pokus ng gobyerno kundi sa kung paano mapapababa ang inflation rate sa ‘Pinas.
May punto si Sen. Risa sa sinabi niyang ito, kasi ang importante talaga ngayon ay mapababa ng pamahalaan ang presyo ng mga bilihin at bayarin, at hindi ‘yung pag-interesan ang pera ng mga depositors sa Land Bank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP) para gamiting pang-negosyo ng gobyerno, period!





Comments