Mga bobotante sisihin sa sandamakmak na trapong Partylist Rep.
- BULGAR
- Jul 14, 2023
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | July 14, 2023
SANA ALL NG PARTYLIST TULAD NG OFW PARTYLIST, MAY PAKI SA NIRE-REPRESENT NILANG SEKTOR -- Kabilang ang libu-libong overseas Filipino workers (OFWs) sa mga apektado sa mga nakaraang sunud-sunod na delay at cancellation of flights sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at ng mga airlines company. At para hindi na maulit ang mga ganitong kapalpakan ay nagsulong si OFW Partylist Rep. Marissa Magsino ng resolusyon, ang HR 1105 sa Kongreso na humihiling sa pamahalaan na ayusin ang mga paliparan sa bansa at pagmalasakitan ng mga airlines company ang mga nai-stranded na OFWs.
Ang resolusyong ito ng OFW Partylist ay suportado ng OFW’s organization na United Filipino Global (UFG) na pinamumunuan ng pangulo nito na si Gemma Sotto dahil din sa malasakit nila sa mga OFWs na ang layunin ng resolusyon ay agarang maabot.
Sana all ng mga partylist ay tulad ng OFW Partylist na nagpapakita ng malasakit sa mga nire-represent nilang sector. Ang problema kasi sa ibang partylist ay “nganga” lang, walang paki sa mga nire-represent nilang sektor, at ang tanging ginagawa ay mag-abang ng pork barrel projects, boom!
◘◘◘
KARAMIHAN SA NAGWAGING MGA PARTYLIST NAGRE-REPRESENT SA MGA TRAPO -- Buti nanalo ang OFW Partylist noong nakalipas na halalan, kasi sa totoo lang ay mabibilang lamang sa daliri ang mga partylist na totoong may nire-represent na sektor.
Kung titingnan kasi ang talaan ng mga partylist sa Kongreso, makikita na karamihan sa mga nagwagi sa kanila ay nagre-represent sa pamilya ng mga traditional politician (trapo), dahil marami ngayon sa mga partylist representative ay mula mismo sa angkan ng mga trapo, buset!
◘◘◘
MGA BOBOTANTE BUMOTO SA MGA TRAPO PARTYLIST REPRESENTATIVES -Mga bobotante ang dapat sisihin sa pagdami ng mga trapong partylist representatives sa Kongreso.
Kung hindi ba naman mga bobotante, eh, alam nilang mula sa angkan ng mga trapo ang mga nominado sa partylist ibinoboto pa, kaya ang naging resulta, sandamakmak ang mga trapong partylist representatives ngayon sa Kongreso, boom!
◘◘◘
SA KADA HIRIT NG ACT TEACHERS PARTYLIST, RED-TAGGED ANG RESBAK SA KANILA NI VP AT DEPED SEC. SARA DUTERTE -- Bukod sa OFW Partylist na nagpapakita ng malasakit sa nire-represent nilang sektor ng mga OFW’s, ang ACT Teachers Partylist ay nagpapakita rin ng malasakit sa nire-represent nilang sektor ng mga guro, tulad ng mga hirit nilang dagdag-sahod sa mga titser, maayos na classrooms at magdagdag ng 30,000 bagong guro taun-taon.
Ang masaklap nga lang, laging tablado ang mga hirit ng ACT Teachers Partylist, at imbes tugunan ang mga hinaing ng mga guro, ang partylist na ito ay nire-red-tagged pa umano ni Vice Pres. at Dept. of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte-Carpio, tsk!





Comments