Mga bobotante at korup, dahilan kaya poor ang ‘Pinas
- BULGAR
- Feb 13, 2023
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | Pebrero 13, 2023
HINDI KONSTITUSYON ANG SANHI NG KAHIRAPAN SA ‘PINAS, KUNDI ANG MGA KORUP NA TRAPO—Ang 1987 Constitution ang sinisisi ng mga pro-Marcos senators and congressmen kung bakit mahirap na bansa ang Pilipinas, kaya nais ng mga naturang mambabatas na baguhin ang mga probisyon sa Saligang Batas.
Pambihira naman, pati Saligang Batas ay pinagdiskitahan, eh, sa totoo lang, kaya mahirap ang Pilipinas ay dahil masyadong maraming kurakot na traditional politicians o trapo sa bansa na nandarambong sa kaban ng bayan.
‘Ika nga, kahit baguhin pa ang 1987 Constitution, mananatiling mahirap ang Pilipinas hangga’t naluluklok at nagkakaroon ng kapangyarihan sa gobyerno ang mga trapo na ‘yan, period!
◘◘◘
KAHIRAPAN NG ‘PINAS, DAPAT ISISI SA MGA BOBOTANTE AT KURAKOT—Hindi 1987 Constitution ang dapat sisihin kung bakit mahirap na bansa ang Pilipinas kundi ang mga bobotante at kurakot na trapo.
Alam naman kasi ng mamamayan na karamihan sa mga trapo ay pagpapayaman lang ang ginagawa habang nasa puwesto at nagnanakaw sa kaban ng bayan, habang ‘yung iba ay nakulong sa kasong plunder at corruption, tapos tuwing eleksyon, mga ganitong uri ng pulitiko ang ibinoboto, kaya natural lang na maghirap ang Pilipinas. Boom!
◘◘◘
PARA ‘DI MAPAHIYA SA PUBLIKO, ‘WAG HIHINGI AT TATANGGAP NG TULONG SA MGA SUMBATERO—Ang panunumbat ni comedian-TV host na si Willie Revillame sa kanyang mga natulungan ay dapat na magsilbing babala sa publiko.
Ang nais nating ipunto ay ‘wag na ‘wag hihingi o tatanggap ng tulong sa mga taong sumbatero dahil baka dumating ang panahon na isumbat nito ang naitulong at ipahiya sila sa publiko tulad ng ginagawang panunumbat ni Revillame ngayon sa kanyang mga natulungan, period!
◘◘◘
BALIK-OPERASYON ANG MGA MANGRARAKET SA MALABON CITY—Nagbalik-operasyon daw ang raket na sakla, lotteng at EZ-2 nina ‘Mario Bokbok,’ ‘Atan,’ ‘Noel,’ ‘Ponga’ at ‘Lina Robles’ sa Malabon City.
Noon ay ipinatigil na ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval ang mga ganitong raket sa lungsod, pero ngayon ay balik-operasyon na naman.
Dapat talagang iutos ni Mayora Sandoval kay City Chief of Police Col. Amante Daro na mismong mga gambling lords ang dakpin at ikulong para matiyak na hindi na makapangraraket sa Malabon ang mga ilegalistang ito. Boom!





Comments